- MC / Clyde Mariano
500 KATUTUBONG MANLALARO, TAMPOK SA IP GAMES 4TH LEG

KABUUANG 500 katutubong atleta ang aaksiyon sa fourth leg ng IP Games na idaraos sa Okt. 27 hanggang 29 sa Kapangan, Province ng Benguet.
Ang leg ayon kay Philippine Sports Commission (PSC) Commissioner Charles Raymond A. Maxey, na siyang namamahala sa IP Games project ang may pinakamaraming kalahok.
“Everything’s set for our fourth leg. The games will be held in the Municipality of Kapangan as requested by Benguet Governor,” ani Maxey.
Nagsimula ang planning at coordination meetings noong Agosto kung saan ang iba’t ibang stakeholders mula sa Provincial Sports Office, Kapangan Sangguniang Bayan (SB) members, Sangguniang Kabataan (SK), at Local Tribal Council ay bumalikat din.
Sinabi ni Benguet Provincial Sports Coordinator Dean Mark Monang na ang traditional sports at games sa kompetisyon ay ang pakwel, sidking aparador, sidking bado, patintero, tiklaw, prisoner’s base, palsi-it, kadang-kadang, ginuyudan, kayabang, pangke, sanggol, pallot, dad-an di pato, sungka, at dama.
Ang Kapangan Tribal Council, lalo na ang nakatatanda ang mangunguna sa demonstration ng Kin-notan, Chinese entrance at sa inamagan ‘di kuba.
“We’re very excited to witness the culture of the peoples from Benguet,” dagdag ni Maxey.
Sina Pacalso at Fermin ang mangunguna sa opening ceremony ng 8 a.m., sa Sabado. Ang Indigenous Peoples Forum at IP Photo Exhibit at Photo Contest ay idaraos sa mismong Games.