- BULGAR
Worried sa nakakapang bukol sa dibdib
SHANE M. LUDOVICE, M.D / SABI NI DOC
Dear Doc. Shane,
Ako ay 35 years old, madalas na masipa ng 2 years old kong anak ang aking mga suso kapag nakahiga o natutulog kami. Gusto kong malaman kung maaari itong maging dahilan ng breast cancer, gayundin ang pagsusuot ng masikip na bra kasi may nakakapa akong mga bukol sa aking mga suso at nababahala ako rito? Ano kaya ang mabuting gawin? — Gina Morales
Sagot
Walang maituturing na pangunahing dahilan sa pagkakaroon ng breast cancer ng babae, gayundin pinabulaanan ang koneksiyon ng isinusuot na bra sa pagkakaroon ng naturang sakit.
Gayundin, hindi direktang nakaaapekto ang traumang natatamo ng babae sa kanyang suso at karamihan sa mga bukol na makapa ay hindi cancer.
Mayroong dalawang klase ng bukol na maaaring matagpuan sa babae, ang cyst at laman sa bukol. Ang cyst ay tubig ang laman, pangkaraniwan ito at hindi nakababahala. Sa kabilang banda, ang pangalawang klase ay ang solid kung saan ‘laman’ ang laman ng bukol.
Narito ang stages ng breast cancer:
Stage 1
Napakaliit ng bukol dito o kapag wala pang 0.7 centimeters ang laki. Sa ganitong sitwasyon, puwedeng hindi mag-chemotherapy o depende sa klase ng bukol para malaman kung kailangan mo nang mag-chemo.
Stage 2
Rito, kinakailangan nang sumailalim sa chemotherapy.
Stage 3
Sa pagkakataong ito, malaki na ang bukol at mayroon ng kulani at kailangan nang tanggalin ang pinagmumulan ng bukol sa suso at ang mismong suso.
Gayunman, kung mayroong kapamilya na tinamaan ng breast cancer, hindi ito kasiguraduhan na magkakaroon ka rin ng naturang sakit, subalit, maaaring mataas ang tsansa na makakuha nito. Maaari ring obserbahan kung mayroong mga pagbabago sa suso, tulad ng paglabas ng nipples na maaaring senyales ng sakit, gayundin kung mayroong nakakapang bukol sa suso, dapat ay kumonsulta agad sa doktor upang makapagpa- ultra-sound at maagapan ito upang hindi na lumala.