- Eddie M. Paez Jr.
PILIPINAS, DOMINADO ANG ASIAN WOMEN’S SEVENS SERIES SA BRUNEI

DINOMINA ng Pilipinas ang mga koponan mula sa Uzbekistan, Pakistan at India sa tatlong magkakahiwalay na engkwentro nito sa unang araw ng 2018 Asian Rugby Women’s Sevens Trophy Series na ginaganap sa palaruan ng Panaga Club sa Seria, Brunei Darusallam.
Tinuruan ng leksyon ng Lady Volcanoes ang mga kababaihang Uzbeks, 12-5, bago binokya ang Pakistan, 31-0, sa bakbakan sa Pool “B”. Sa pagkagat naman ng dilim, hindi nawala ang bangis ng mga kinatawan ng bansa at nakalagpas sa hamon ng India sa iskor na 17-12 tungo sa isang malinis na kartada pagkatapos ng day 1 ng kompetisyong nilalahukan ng sampung bansa sa Asya.
Ang tatlong panalo ay nagselyo ng tiket ng Pilipinas (pinapatnubayan ni coach Ada Milby at sumasandal sa anim na manlalarong galing sa Eagles Rugby Football Club, tatlo mula sa SKF Mavericks, dalawa sa kinatawang dinadala ang pangalan ng Cebu Dragons at isang pambato galing sa Makati Chiefs) papunta sa semifinals.
Isasara ng bansa ang kampanya nito sa pool stage sa pamamagitan ng pakikipagbuno sa Nepal sa day 2. Pagkatapos nito ay susuong na ang Lady Volcanoes sa medal round.
Sa rambulan sa Pool “A”, Guam, Laos, Malaysia, Indonesia at ang punong-abalang Brunei ang interesado sa dalawang upuan sa final 4. Kung mangingibabaw sa Pool “B” ang Lady Volcanoes, haharapin ng mga ito ang Pool “A” bridesmaid (Guam).