Karapatan ng sambayanan na magkaroon ng maayos at malinis na kapaligiran
- BULGAR
- Oct 21, 2018
- 3 min read
SA mga nakalipas na araw, nasaksihan natin ang rehabilitasyon ng Boracay Island na ginawa ng ating pamahalaan sa pangunguna ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa bisa ng kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang Boracay Island ay isa sa mga lugar na naging sentro ng turismo ng Pilipinas dahil napakagandang lugar ito subalit, dahil sa kawalan ng disiplina ng mga taong pumupunta rito at ng mga namamahala nito ay nagkaroon ito ng problema na naging dahilan na ipasara ito para sa masusing rehabilitasyon.
Ang ginawang ito ng pamahalaan ay alinsunod sa nakasaad sa Saligang-Batas, partikular ng Article II, Section 16 kung saan nakasaad na:
“SECTION. 16. Dapat pangalagaan at isulong ng estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”
Makikita rito ang pagpapahalaga ng estado sa karapatan ng mga Pilipino sa malinis na kapaligiran. Sa paglipas ng panahon, napakaraming sakuna ang nangyari hindi sa Pilipinas kundi sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Sinasabing ang mga sakunang ito ay dulot ng pagkasira ng kalikasan at kapaligiran.
Nagsagawa ang Korte Suprema ng mga alituntunin para sa mga kasong isinampa dahil sa mayroong paglabag ng mga batas na pumoprotekta laban sa tuluyang pagkasira ng kalikasan at kapaligiran. Ito ay ang A.M. No. 09-6-8-SC na may titulong “The Rules of Procedure for Environmental Cases”.
Sa anumang paglabag sa mga itinakda ng batas para sa proteksiyon ng kalikasan at kapaligiran, maaaring maghain ng petisyon sa husgado upang makakuha ng Writ of Kalikasan sa ilalim ng Rule 7 ng A.M. No. 09-6-8-SC. Ito ay maaaring isampa sa Korte Suprema o sa anumang sangay ng Court of Appeals ng alinman sa mga people’s organization o non-governmental organization (NGO) at iba pang may pampublikong interes na kinikilala ng ahensiya ng gobyerno. Ang petisyon ay ihahain sa ngalan ng mamamayan na ang karapatan na magkaroon ng malusog na ekolohiya ay malalabag o nanganganib na malabag dahil sa kagagawan ng pampublikong opisyal o pribadong indibidwal na maaaring magdulot ng malaking kasiraan ng kapaligiran at makaapekto sa buhay, kalusugan at ari-arian ng dalawa o tatlong siyudad o probinsiya.
Ang Writ of Kalikasan ay legal na remedyo sa ilalim ng batas ng Pilipinas kung saan ang karapatan ng mamamayan sa balanse at nakapagpapalusog na ekolohiya (balanced and healthful ecology) ay nalalabag dahil sa gawain ng pampublikong opisyal, empleyado o pribadong indibidwal o entidad (entity). Ang mandato ng Writ of Kalikasan ay mula sa Article II, Section 16 ng Saligang-Batas (Tagalog version) kung saan nakasaad na “dapat pangalagaan at isulong ng estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”
Kapag mayroong kagyat na pangangailangan at ang naghahabla ay makararanas ng grave injustice at irreparable injury, siya ay maaaring humiling sa kanyang petisyon na mabigyan ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO).
Sa patuloy na pagkasira ng ating kapaligiran, hindi lamang ito magdudulot ng mga sakuna kundi ito ay magiging sanhi rin ng maraming sakit sa ating mamamayan. Ang mga usok na likha ng mga sasakyan ay maaaring maging sanhi ng asthma o pneumonia. Kaya kaakibat ng ating mga karapatan sa malinis at malusog na kapaligiran ay ang ating mga responsibilidad bilang mamamayan na panatilihing maayos ang ating kapaligiran. Gayundin, gawin natin ang ating mga obligasyon tulad ng paggamit ng recycled products, pagtitipid ng tubig, enerhiya o kuryente at pagtatapon ng basura sa tamang tapunan. Ito ay mga maliliit na bagay subalit, makatutulong nang malaki sa atin na mapanatiling malinis ang ating kapaligiran.
Comments