Pasahe sa jeep at bus muling tataas; minimum wage, hindi na sumasapat!
- BULGAR

- Oct 19, 2018
- 2 min read
MAINIT na ang usapin hinggil sa taas-pasahe, matapos kasi nitong magtaas ng provisional fare noong Hulyo ay nakaabang na ulit ang pagtaas nito sa darating na Nobyembre.
Itinaas umano ang pasahe dahil sa pagtaas ng presyo ng langis kung saan gagawing P10 na ang minimum na pasahe sa mga pampasaherong jeepney at mula sa P10, magiging P11 na ang minimum fare ng mga ordinary bus habang P13 mula sa P12 ang minimum fare ng mga air-conditioned bus sa Metro Manila.
Kaya sa pag-apruba ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa P2 na dagdag sa minimum na pasahe sa mga jeep at P1 dagdag-singil sa pasahe sa mga bus, marami na sa mga mananakay ang nanggagalaiti.
Samantala, ang buwelta ng marami, “paano ang sahod namin?”
Hindi na kasi sumasapat ang minimum wage, lalo na ngayong bukod sa mga bilihin at presyo ng langis ay muling magtataas pa ang pasahe.
Gayunman, ayon sa ilang kabataan na nagpoprotesta hinggil sa pag-apruba, mahihirapan lalo umanong mag-budget ang mga magulang nila dahil kung sa pamasahe pa lang ay malaki na ang kanilang ginagastos, paano pa ang ibang gastusin tulad ng pangkain, pang-project at marami pang iba?
Nakababahala rin dahil baka lalo pa itong tumaas sa mga susunod na panahon kung patuloy itong aaprubahan ng mga kinauukulan.
Kaya ang panawagan natin sa mga nasa itaas, iparamdam sana ang malasakit sa lahat, gayundin maging patas para sa pangangailangan ng karamihan.
Tandaan, mas nagiging matagumpay ang isang bayan kung nagkakasundu-sundo ang lahat sa paggawa ng solusyon sa mga problemang kinahaharap ng bansa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments