Malinaw ayon sa birthday... BEBOT NA NAKATAKDANG MAKATULUYAN ANG BOYFRIEND SA TAONG 2021
- BULGAR

- Oct 19, 2018
- 2 min read
Dear Maestro,
May boyfriend ako, siya ang first ko at wala pa kaming one year, pero marami na akong problema at sakripisyong tiniis para sa kanya. May pagka-mama’s boy kasi siya, pero mabait naman. Ang kaso, halos lahat ng sinasabi ng mama niya ay sinusunod niya kahit na apektado na ang aming relasyon.
Pinagbabawalan kasi siyang mag-girlfriend ng mama niya hangga’t hindi siya nagkakaroon ng magandang trabaho, kaya naging lihim itong relasyon namin. Madalas, ako ang nag-a-adjust sa mga personal na problema namin dahil sa family niya. Kaya ngayon, iniisip ko kung nagtatagal ba ang ganitong relasyon na magulo at kumplikado?
Sana, mapayuhan ninyo ako kasi mahal na mahal ko siya at ayaw kong mawala siya sa akin, kaya lang nahihirapan na talaga ako sa sitwasyon namin. Compatible ba kami at muli kayang magiging maligaya ang aming relasyon? March 8, 1993 ang birthday ko at July 16, 1994 naman ang boyfriend ko.
Umaasa,
Vecky ng Pasay City
Dear Vecky,
Ganyan talaga ang buhay, kapag nagmamahal, kailangang mag-sacrifice, alang-alang sa iyong minamahal.
Ang totoo kasi nito, walang kuwenta ang pag-ibig kung walang mga pagsasakripisyong ginagawa ang bawat isa dahil ang mga ito ang tunay na nagpapalalim sa inyong pag-iibigan.
‘Ika nga ni Mother Teresa, “I have found the paradox that if I love until it hurts, then there is no hurt, but only more love.” Ibig sabihin, ang tunay na esensiya ng pag-ibig ay ang masaktan at sa sandaling puro sakit na lang, lulutang ang tunay na diwa ng pagmamahal.
Ang problema lang sa sitwasyon mo, sabi mo nga ikaw ang palaging nagtitiis at nagbibigay sa boyfriend mong mama’s boy, pero alam mo, okay lang ‘yun dahil sabi mo nga, mahal na mahal mo naman siya.
At hangga’t kaya mong magtiis dahil nga sa mahal mo siya, ituloy mo lang ‘yan dahil sa bandang huli kapag nag-matured na ang personality ng boyfriend mo, sa panahong ‘yun, kusa ng magiging maligaya ang inyong relasyon.
Huwag ka ring mag-alala dahil sadya ngang magiging maligaya ang inyong relasyon ‘pag nagtagal dahil ang zodiac sign mong Pisces na may elementong water o tubig ay tulad din ng zodiac sign na Cancer ng boyfriend mo na nagtataglay din ng elementong tubig. Ibig sabihin, ayon sa Western Astrology, sadyang tugma talaga kayong dalawa.
Habang sa Numerology ay gayundin, ang strong number mong 8 ay tugma rin sa weak number niyang 16 o 7 (ang 16 ay 1+6=7) kung saan ang pagsasama ng weak at strong number ay sadya namang balanse sa isa’t isa. At dahil balanse para sa isa’t isa, darating ang panahong may pangako sa inyo ng wagas, masagana at maligayang relasyon, habambuhay.
Sa madaling salita, konting tiis pa dahil nga umiibig ka at kaunting pasensiya pa dahil nga nagmamamahal ka.
Sa bandang huli, mararating din ninyo ang tagumpay at kapag nangyari ito, maa-appreciate rin ng boyfriend mo ang sacrifices na ginagawa mo para sa kanya hanggang sa dumating ang sandali na lalo ka niyang mamahalin kung saan kayo na ang magkakatuluyan at bubuo ng isang maligaya at panghabambuhay na pamilya na nakatakdang mangyari sa taong 2021, sa edad mong 28 at 27 naman ang boyfriend mo.


Comments