MAIGTING ANG KOMPETISYON KAY BIADO SA INTERNATIONAL 9-BALL

DALAWANG buwan pa ang layo ng 2018 World 9-Ball Championship sa Qatar pero inaasahang mararamdaman na ang maigting na kompetisyon sa pagdagsa ng mga malulupit na bilyarista mula sa iba’t-ibang bahagi ng mundo sa pagtaas ng telon ng 2018 International 9-Ball Open sa Norfolk, Virginia sa Oktubre 21.
Kasama sa mga umaasinta ng korona ang mga bilyaristang Pinoy sa pangunguna ni World Pool Billiards Association (WPA) no. 2 Carlo “ Black Tiger” Biado na siya ring hari ng 2017 World 9-Ball Championship. Sariwa si Biado sa pagiging MVP ng Taiwan - Philippines na billiards face-off kung saan nagwagi ang mga Pinoy pagkatapos ng tatlong araw ng bakbakan.
Kasama rin ni Biado sa talaan ng cue artists na nag-aambisyon sa kampeonato at ng top prize na $40,000 sina Warren “The Warrior” Kiamco, Zoren James “Dodong Diamond” Aranas, Johan Chua, Raymund Faraon, 2017 World Straightpool champion Lee Van Corteza, at AZBilliards moneyboard no. 2 Dennis “Robocop” Orcullo.
Susubok ding makaakyat sa trono si dating world champion at tubong Isabela na si Alex “The Lion” Pagulayan na kumakatawan na sa Canada.
Bukod sa Pilipinas, may mga kinatawan din sa prestihiyosong torneo ang mga bansang itinuturing na billiards powerhouse katulad ng Finland, Netherlands, Germany, Taiwan, Austria, Scotland, Japan, England, Russia, Albania, Chinese Taipei at USA.
Mula sa mga bansang ito ay ang mga batikang manunumbok na sina Mika Immonen, Niels Feijen, Ralf Soquet, Jayson Shaw, Mario He, Albin Ouschan, Oi Naoyuki, Kun Lin Wu, Chia Chen Hsieh, Darren Appleton, Fedor Gorst, WPA no. 1 Eklent Kasi, Shane Van Boening, Earl “The Pearl” Strickland at Johnny Archer.





Comments