Pagkakaroon ng sariling paradahan, solusyon sa gulo at nakawan!
- BULGAR

- Oct 18, 2018
- 2 min read
HINDI ba problema naman talaga ang double parking sa mga kalsada, lalo na kung perhuwisyo na ang mga ito sa tuwing may dumaraang ibang sasakyan?
Bukod kasi sa alanganin ang pagdaan ng malalaking kotse, dahilan din ito ng pagkakaroon ng trapik sa mga lansangan.
Kaya, pinagtatalunan pa rin ang panukalang naglalayong ipatupad ang pagkakaroon ng sariling parking space o lot kung may sasakyan upang magkaroon ito ng permanenteng paradahan nang sa gayun ay hindi makaabala sa ibang mga dumaraan.
Marami kasing dapat isaalang-alang, halimbawa, kung makaa-afford ba ang ilan na bumili pa ng lupang paparadahan?
Samantala, sa ilalim ng Senate Bill No. 201 o ang Proof of Parking Space Act, puwedeng makabili ng sasakyan ang indibidwal o negosyo sa loob ng Metro Manila kung may maipakikita silang affidavit na nagsasabing mayroon silang binili o nirerentahang parking space para sa bibilhing sasakyan.
Bagama’t, sinabi ng mga kinauukulan, hindi umano nilalayon ng batas na limitahan ang pagbili o pagbebenta ng mga sasakyan, bagkus, isinagawa ito upang magkaroon ng disiplina ang ilang car owners.
Mayroon kasing halos umabot na sa tatlo o higit pa ang pagmamay-aring sasakyan, pero walang sariling mapaglalagyan, ‘yung iba nag-aaway-away at nag-aagawan pa sa paradahan na may tsansang umabot na sa pisikalan, gayundin nais din nito na makaraan ng maayos ang mga emergency vehicle sa iba’t ibang kalsada.
Kaya kung maisasabatas ito, walang magagawa ang karamihan kung hindi ang sumunod na lang, ‘ika nga, disiplina ang kailangan kaya hindi na dapat tayo makipagmatigasan.
Gayunman, ang panawagan natin sa mga kinauukulan, pag-aralan itong mabuti upang maging epektibo para sa nakararami at palagi nating tatandaan na ang pagkakaroon ng sariling paradahan ay maaari ring maging solusyon sa pag-iwas sa mga nakawan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com.





Comments