- BULGAR
Pagiging " heart smart", susi sa matagumpay na buhay ng kabataan
KUYA WIN GATCHALIAN / WIN TAYONG LAHAT
BAWAT magulang ay nangangarap na magkaroon ng hustong kaisipan at malalim na pang-unawa ang kanilang mga anak. Isang biyaya para sa kanila na makitang lumaki ang mga ito nang mabait, magalang, matulungin at may malasakit sa kapwa.
Para maabot ang hangaring ito, nakikipagtulungan sila sa mga guro na tutukan ang pagkamit ng mataas na score ng kanilang intelligence quotient o IQ kung saan ito ang sukatan ng kaalaman at katalinuhan ng isang indibidwal.
Kasabay nito ay ang pag-usbong ng kanilang emotional quotient o EQ. Ang EQ ay ang abilidad o kapasidad na malaman, maramdaman at kontrolin ang sariling emosyon at ng iba.
Batay sa mga pag-aaral at personal na karanasan, hindi ang pagiging topnotcher, with honors at nakapagtapos sa prominente o pribadong unibersidad ang basehan ng tagumpay sa buhay. Ang mahalaga ay ang balanseng karunungan at mabuting pag-uugali o karakter ng estudyante na kanyang dadalhin hanggang sa pagtatrabaho.
Kung sa mataas na IQ ay nagiging “book smart” ang isang indibidwal, sa EQ ay “heart smart” o akmang damdamin ang pinagtutuunan ng pansin. Ang magdadala sa bata sa eskuwelahan ay IQ, habang EQ ang daan para magtagumpay sa buhay. Sakop nito ang mga katangiang self-awareness, self-confidence, interpersonal skills at social competence.
Narito ang ilan sa mga sumusunod na kondisyon na dapat maibahagi sa mga estudyante:
Maging masipag sa kabila ng anumang pagsubok
Masubaybayan ang nararamdaman
Maintindihan o basahin ang damdamin ng iba
Makapili ng kasama
Malabanan ang tukso para matupad ang malaking layunin
Kumilos nang may pagsaalang-alang sa pangangailangan ng sarili at ng iba
Makikita ang mataas na EQ ng estudyante sa ekspresyon nito ng mukha, pakikipagkamay, tono ng boses at mapapansin sa kilos ng katawan kung malungkot o masaya. Gayundin, ang kanyang pakikipag-ugnayan sa kapwa at pagiging maabilidad sa mga negosasyon.
Ating tandaan na ang EQ ay hindi kabaligtaran ng katalinuhan kundi ito ay ang pupuno sa kakulangan ng pagkatao.
Maraming matatalinong tao ang hindi nagtatagumpay sa buhay dahil mababa ang kanilang EQ. Ayon sa mga eksperto, marami ang nagtatagumpay na may mataas na EQ dahil marunong silang makibagay sa pagbabago na hindi nila kagustuhan o masama sa kanilang kalooban. Maluwag nilang natatangap na may darating na pag-asa ang dumarating na problema.
Bilang mga nakatatanda, patuloy nating gabayan ang kalusugang pang-emosyon ng kabataan. Turuang pahalagahan ang kanilang pag-aaral, mga guro at kaklase at hayaang lubos na matuto hindi lamang ng mga aralin kundi mabuting pakikitungo sa kapwa. Habang bata pa, sanayin na sila upang madala nila ito sa kanilang paglaki.