- BULGAR
Karapatan laban sa paaralan na ayaw i-release ang mga dokumento ng kapatid
DR. PERSIDA V. RUEDA-ACOSTA / MAGTANONG KAY ATTORNEY
Dear Chief Acosta,
Ang kapatid ko ay nakapagtapos na sa kolehiyo subalit, ang kanyang school records at credentials ay hindi raw maibibigay ng paaralan dahil nagkaroon daw siya ng disciplinary actions. Nabanggit daw sa desisyon sa kanyang kaso na maliban sa ibang parusa ay hindi raw maibibigay ang kanyang school records at credentials sa loob ng isang taon matapos ang kanilang graduation.
Gayunman, mahigit isang taon na pero, hindi pa rin naibibigay ang mga dokumento at ang rason ay may utang pa raw siya na hindi nabayaran, ngunit, mayroong hawak na mga resibo ang kapatid ko bilang patunay na nabayaran niya ang lahat ng kanyang liabilities bago ang kanilang graduation. Ano ang dapat naming gawin?— Viray
Dear Viray,
Para sa inyong kaalaman, ang relasyon ng paaralan at mga mag-aaral ay itinuturing na isang kontrata. Ang kontratang ito ay ipinaliwanag ng Korte Suprema ni dating Punong Mahistrado Artemio Panganiban sa kasong Regino vs. Pangasinan Colleges of Science and Technology (G.R. No. 156109, November 18, 2004) na nagsabing:
“In Alcuaz v. PSBA, the Court characterized the relationship between the school and the student as a contract, in which a student, once admitted by the school is considered enrolled for one semester. Two years later, in Non v. Dames II, the Court modified the termination of contract theory in Alcuaz by holding that the contractual relationship between the school and the student is not only semestral in duration, but for the entire period the latter are expected to complete it. Except for the variance in the period during which the contractual relationship is considered to subsist, both Alcuaz and Non were unanimous in characterizing the school-student relationship as contractual in nature.
The school-student relationship is also reciprocal. Thus, it has consequences appurtenant to and inherent in all contracts of such kind —it gives rise to bilateral or reciprocal rights and obligations. The school undertakes to provide students with education sufficient to enable them to pursue higher education or a profession. On the other hand, the students agree to abide by the academic requirements of the school and to observe its rules and regulations.” [Binigyang-diin.]
Maliwanag sa nabanggit na kaso na ang ugnayan ng inyong kapatid at ng paaralan ay isang kasunduang itinuturing sa batas sa magkabilang panig kung saan mayroong mga panuntunan at obligasyon na dapat masunod at magampanan. Ang paaralan ay may responsibilidad na turuan ang inyong kapatid at bigyan ng edukasyong naaayon sa batas, gayundin ang kapatid mo ay may tungkuling sumunod sa mga ipinaiiral na panuntunan sa paaralan. Sa kadahilanang siya ay sumuway sa panuntunan ng paaralan, naaayon na siya ay magtamo ng parusa tungkol dito na siyang bahagi ng kanilang kontrata.
Subalit, dahil maliwanag sa naging desisyon sa kaso niya na isang (1) taon lamang ang pag-withhold sa kanyang records at credentials, nararapat na maibigay na ang mga ito sa inyong kapatid sapagkat ang paaralan mismo ang nagsabi ng kondisyon kung kailan ito maaaring i-release. Lumipas na ang isang (1) taon at kung mayroon mang iba pang dahilan para i-withhold ang mga ito at mayroong maipakikitang kasagutan dito ang inyong kapatid na wala na siyang pananagutan, tungkulin din ng paaralan na maibigay ang mga dokumentong ito bilang bahagi ng kanilang kontrata matapos maisakatuparan ang mga kondisyong sila mismo ang nagpabatid.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyong ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa isang abogado.