Tiniyak ng DENR | BORACAY, MALINIS NA

INANUNSIYO ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na garantisadong malinis at cesspool free na ang isla ng Boracay.
Maging si Environment Sec. Roy Cimatu ay nagulat sa laki ng ‘transformation’ at pagbabago ngayon sa naturang isla.
Sinabi ng opisyal na siya mismo ang magbibigay ng garantiya sa publiko, partikular sa mga foreign tourist na ligtas para sa swimming at iba pang water activities ang Boracay matapos ang anim na buwan nitong rehabilitasyon.
Dumaan sa pagsusuri ang tubig sa isla na rumehistro sa 18.1 mpn (most probable number) per 100 ml of coliform na pasok sa world standard.
Sa pagsisimula ng dry run kahapon bago ang nakatakdang re-opening sa publiko sa October 26 ay sinabi ni Cimatu na mahigpit ang kanilang gagawing pagmomonitor sa kabuuan ng isla.
Titiyakin umano nilang nakasusunod sa lahat ng mga environmental requirement ang lahat ng mga establisimiyentong magpapatakbo ng kanilang negosyo.
Katuwang ng DENR ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Department of Tourism sa pagbabantay sa kaayusan ng Boracay.
Sa pinakahuling tala, umaabot lamang sa 68 establishments ang binigyan ng go-signal ng pamahalaan para mag-operate ng negosyo sa isla.
Pinapayuhan din ang mga turista na tiyaking DOT-accredited ang kanilang mga tutuluyang hotel sa Boracay dahil kung hindi ay hindi sila papayagang pumasok sa isla.





Comments