Search
  • Edmundo Paez, Jr.

PHL VOLCANOES, BRONZE SA ASIAN SEVENS RUGBY


MATAGUMPAY na nakapasok sa podium ang Pilipinas sa kauna-unahang pagkakataon ngayong 2018 matapos nitong daigin ang Sri Lanka, 19 - 7, sa huling laro ng Volcanoes sa pangat­long yugto ng Asian Sevens Rugby Series sa Racecourse Stadium ng Colombo, Sri Lanka.

Ang panalo ay nagsilbing pagresbak ng bansa sa Sri Lanka matapos itong masi­ngitan ng Tuskers sa Hong Kong leg ng seryeng bukas lang sa walong pinakama­lulupit na bansa sa buong Asya sa larangan ng rugby.

Ginawang tuntungan ng Pilipinas, bukod sa panalo kontra sa punong-abala, ang panghihiya sa South Korea, 34 - 5, at ang pag-angat nito kontra sa Malaysia, 24 - 19.

Nabigyan din nito ng magandang laban ang even­tual champion Japan nang uma­bante ito sa iskor na 12 - 7 bago ito tumiklop sa haru­rot ng mga Hapones, 12 - 21, sa pagsasara ng bakba­kan sa Pool “A”.

Sa kabila ng kabiguan sa kamay ng Japan, nakausad pa rin sa final 4 ang mga Volcanoes dala ang rekord nito na dalawang panalo at isang talo. Tulad ng inaasa­han, pumasok sa semis ang Japan hawak ang walang mantsang kartada.

Sa semifinals, bagamat karaniwan nang bokya o na­tatambakan ang mga naka­kalaban ng Hong Kong, hin­di nagpasindak ang Volca­­noes sa harap ng arangkada ng Asian Games gold me­dalist Hong Kong, 12 - 19.

Ito ang naging daan para mapunta ang bansa sa isang duwelo para sa bronze me­dal kontra sa Sri Lanka.

Bukod sa Pilipinas na nakakuha ng tanso, nasa po­dium din ng leg 3 ang Japan (ginto) at Hong Kong (pilak). Japan at Hong Kong din ang umangkin ng unang dala­wang puwesto sa unang da­lawang legs ng serye.

Walang iniuwi ang Vol­canoes sa una (4th placer) at pangalawang leg (5th pla­cer).

Taong 2013 pa nang huling makasampa sa po­dium ang mga Volcanoes.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.