- BULGAR
'Galawan' ng lalaking magnanakaw, buking!
JUN R. GUILLERMO / MODUS OPERANDI PINOY ISTAYL
ISANG liham-reklamo ang natanggap ng inyong linkod hingil diumano sa isang lalaking gumagala sa mga fastfood chain, restoran at matataong lugar kung saan tina-target nito ang mga kumakain at nag-uusap sa lamesa o iba pang lugar na posible nitong mabiktima sa kanyang modus-operandi.
Ang demonyong suspek ay nasa katamtaman ang pangangatawan, mga 25 hanggang 30-anyos, medyo may kaputian, naka-bullcap at mga 5'6" hanggang 5'7" ang height.
Kapag may na-spot-an na itong biktima ay agad nitong lalapitan at magsasabing “kung nais daw nilang sumali sa dance contest ng barangay” kung saan sa pamamagitan ng mga mabubulaklak na pambobola nito, gayundin agad nitong bibigyan ng dala nitong papel na may mga nakasulat na “dance contest” para mapaniwala ang mga biktima.
Habang nilalansi ng hinayupak na suspek ang mga biktima ay agad nitong tatakpan ng dala nitong papel ang cellphone ng mga biktima kung saan kumukuha ito ng timing para agad damputin ang ipinatong na papel bitbit na ang cellphone ng mga biktima. Kapag nagtagumpay na ang balasubas na suspek sa pagnanakaw ay agad nitong iibahin ang tema ng usapan at agad tatakas kapag nalingat ang biktima.
Ang payo ng kolum na ito sa mga kababayan natin, maging mapagmatyag, alerto at makiramdam sa mga taong lumalapit sa inyo nang sa gayun ay hindi kayo mabiktima ng gagong suspek na kasalukuyang gumagala.
Ingatan ninyo ang inyong gadgets at personal belongings dahil ‘yan ang puntirya ng mga kamag-anak ni Taning, ang manakawan kayo sa pamamagitan ng mga pambobola.
Ikaw kaibigan, anong sey mo?
Laging tatandaan, walang maloloko kung walang magpapaloko!
Ligtas ang may alam!
Kaya ikaw, ako, tayo… mag-ingat!