- MC/Clyde Mariano
FAJARDO, GUSTO NANG MAGBALIK LARO

TALAGANG nasa puso ni JuneMar Fajardo ang makapaglarong muli sa kanyang team San Miguel Beer bilang sentro.
“Basta ang gusto ko makabalik na sa game. Gusto ko nang makalaro, tumakbo sa game,” saad ni Fajardo sa media noong Biyernes, ayon sa PBA.ph. “Two months na siguro... siyempre nami-miss ko na rin iyong game.”
Ilang linggo na ring hindi naglalaro ang 6’10 na si Fajardo sa PBA Governor’s Cup dahil na rin sa iniindang shin injury at dapat munang magpagaling mula nang ma-sideline siya noong Agosto 17.
Wala pa ring depenidong petsa kung kailan siya muling puwedeng maglaro, pero sabi ni Fajardo, “Malapit na, baka makalaro na ako this month,” ayon sa soft-spoken na higanteng player.
Ayon kay league chief statistician Fidel Mangonan, isang game lang ang kailangan ni Fajardo upang maging ganap na kandidato para sa season MVP award, na napagwagian din niya noong nakaraang apat na seasons.
Una na ring nasungkit ni Fajardo ang pinakamataas na individual award sa PBA bukod sa Best Player of the Conference plums sa Philippine at Commissioner’ Cups.
Nais daw niya na makapaglaro dahil na rin sa ibang dahilan. “Sana makalaro ulit ako, ‘di para dun sa sake ng award. So, kung maglalaro ako, ‘yung normal na laro lang,” katwiran niya.
Nagwagi ang Beermen laban sa Phoenix Fuel Masters, 117-100 noong Biyernes.
Umibayo sa 3-4 ang kartada ng Beermen sa walong laro at dapat makapagwagi pa sa huling apat na game para makapasok sa q’finals.