- BULGAR
Dahil kina Robredo at Hontiveros na hindi kilala, walang ‘K’ at nanalo | Nuisance candidates, dumami
BOBI TIGLAO / BANAT
KASALANAN nina Bise-Presidente Leni Robredo at Senadora Risa Hontiveros kaya kung sinu-sino na lang ang mga tatakbo para senador at kongresman sa darating na taon at nag-file ng kanilang “certificates of candidacy”.
Naiinis na ang Comelec dahil marami na raw ang mga tinatawag na “nuisance candidate”.
Itong “nuisance candidates” (kandidatong pang-inis o mga nakaiinis na mga kandidato) ay ang mga tumatakbo para sa mga posisyon sa gobyerno, pero napakalinaw na wala silang pag-asang manalo.
Bakit kasalanan nina VP Leni at Sen. Risa ito, dahil ba tumakbo at nanalo sila kahit hindi sila kilala at wala pang napatutunayan sa taumbayan?
Marami ang nagpaparatang na nanalo ang mga ito dahil sa bilyong pisong ipinakalat ng Partido Liberal noong 2016 para bumili ng boto.
Gayundin, daang milyon daw ang ginastos para makapandaya ang Smartmatic na nag-computerize ng bilangan para manalo ang dalawang ito.
Napakahirap paniwalaang natalo ni VP Leni si dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., eh, ang malaking bahagi ng labanan para sa puwesto ay pagkakilala ng marami sa pangalan ng kandidato at ang “Marcos” ay limampung taon nang lumutang sa bayan dahil noong 1965 naging pangulo ang apelyidong ito.
Samantala, ang apelyidong “Robredo” ay lumutang nang mamatay sa aksidente ang asawa ni VP Leni na si Jesse noong 2012, ngunit, mismong si Jesse ay hindi rin kilala.
Kaya nag-demand si Sen. ‘Bongbong’ na magbilangan ulit upang mapatunayan kung totoo na walang nangyaring dayaan sa nasabing bilangan dahil napakalinaw ng dayaan sa ilang mga presinto. Sa ilang lugar sa Mindanao, sa maniwala kayo o hindi, wala raw bumoto kay Sen. ‘Bongbong’.
Itong si Sen. Risa, pinasikat ng ilang taon ni dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III bilang director ng PhilHealth na ginamit daw ang pera nito para sa kampanya niya.
Maniniwala ba kayo na si Sen. Risa Hontiveros na hindi rin sikat ang pangalan ay tinalo niya noong 2016 ang mga kandidato na mayroong kilalang mga pangalan tulad nina Sergio Osmeña, Martin Romualdez, Mark Lapid at Susan Ople?
Kaya dahil nanalo o nakapandaya raw, ang mga hindi kilalang kandidato na tulad nina VP Leni at Sen. Risa ay marami-rami rin ang nag-isip na sila rin ay may pag-asang manalo kahit hindi sila kilala at wala pang napatunayan.
Maniniwala ba kayo na sa 37 taong nag-file ng certificates of candidacy para senador ay wala pang sampu ang masasabi nating kilala ang pangalan para managinip na maging senador?
Pero sa totoo lang, nakababahala rin na baka makalusot sila bilang senador dahil sa puwersa ng NPA at ng mga komunista, ang mga representante o kakampi nila tulad ng dating pulahang kongresman.