- Vyne Reyes
Bago mag-file ng COC konsehal tinodas

UTAS matapos pagbabarilin ang isang konsehal sa Juban, Sorsogon Province. Kinilala ang biktima na si Emmelio Guab, 42.
Alas-8:00 ng gabi, nanonood ng basketball sa covered court sa Lajong Elementary School ang biktima nang lapitan ito ng mga suspek at puntiryahin.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan si Guab na naging dahilan ng agaran nitong pagkamatay.
Tumakas ang tatlong suspek na sakay ng motorsiklo matapos ang krimen. Narekober sa lugar ang anim na basyo ng hindi pa natukoy na kalibre ng baril. Inaalam na ng pulisya ang motibo sa krimen.
Samantala, utas din ang konsehal matapos pagbabarilin sa Masbate. Alas-9:30 ng umaga nang itinumba si Antonio de Ocampo, konsehal sa Placer sa Masbate, sa Bgy. Katipunan.
Kasama ni De Ocampo ang kamag-anak na si Michael Angelo de Ocampo na nakaligtas sa pananambang at patuloy na ginagamot sa ospital. Sinasabing may planong tumakbong muli sa nalalapit sa halalan ang biktima at nakatakda sanang maghain ng kanyang certificate of candidacy sa Lunes.