top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

19-anyos na nabuntis ng barkada, todo-tago sa mga magulang

BULGAR
Dec 28, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | December 28, 2022


Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko sa aking kalagayan ngayon. Buntis ako, pero hindi alam ng mga magulang ko. Nagbo-boarding house kasi ako rito sa Quiapo, malapit sa pinapasukan kong school at bihira akong umuwi sa probinsya namin.


Nag-inuman kami ng barkada ko, nalasing kami at nagalaw ako ng isa sa mga kainuman namin, at ngayon ay buntis ako. Hindi ko alam kung sasabihin ko ba sa mga magulang ko ang nangyari o patuloy ko itong ililihim hanggang kaya ko. Ngayon, pinagtaguan na ako ng nakabuntis sa akin na kapwa ko19-anyos.


Sister Isabel, payuhan n’yo ako ng dapat kong gawin. Nawa’y gumaan ang nadarama ko sa sandaling mapayuhan n’yo ako.


Nagpapasalamat,

Norma ng Quiapo


Sa iyo, Norma,


Walang lihim na hindi nabubunyag, makabubuting ipaalam mo sa iyong mga magulang ang sinapit mo. Sa simula, siyempre, magagalit sila sa iyo, pero kalaunan ay mananaig ang pagmamahal nila sa iyo bilang mga magulang. Tutulungan ka nilang mairaos ang panganganak mo at tuluyan nang patatawarin ang nagawa mong pagkakamali sa buhay. Gayunman, ihanda mo ang iyong sarili sa maaaring maganap kung magkikita na kayo ng mga magulang mo.


Ipinapayo ko na magdasal ka nang taimtim sa Diyos Amang makapangyarihan na nawa’y unawain ka nila sa nangyari sa iyo at umiral ang pagmamahal nila sa iyo bilang anak nila na nalagay sa hindi kanais-nais na sitwasyon.


Gayundin, huwag kang masyadong malungkot dahil baka makasama sa batang sinapupunan mo at lalo pang lumala ang sitwasyon. Alalahanin mo na walang magulang na nakakatiis sa anak, gaanuman katindi ang nagawa nitong pagkakasala. Natitiyak kong matatanggap kang muli ng mga magulang mo at tutulungan kang harapin ang mga pangyayari nang may buong katatagan at mulat ang isipan, na anumang pagsubok sa buhay ay malalagpasan sa tulong ng taimtim na pagdarasal at pananalig nang walang halong pag-aalinlangan sa Diyos.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page