top of page

15 years nang nawalay, madir sabik na hagkan at makita ang anak

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 18, 2023
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @Mga kuwento ng buhay at pag-ibig | December 18, 2023


Dear Sister Isabel,


Matagal ko na rin itinago sa kaibuturan ng aking puso’t isipan ang problemang dinadala ko sa kasalukuyan. 


Biyuda na ako ngayon, pero naanakan ako ng isang pamilyadong lalaki. Kusa kong ibinigay sa kanya ang anak namin dahil wala naman akong kakayahan para buhayin ito. Apat ang naiwan sa akin ng yumao kong asawa, malalaki na sila gayundin ang anak ko na ibinigay ko sa kanyang ama. 


Gusto ko siyang puntahan, mayakap at mahalikan man lang, pero hindi ko alam ang gagawin. Baka hindi pumayag ‘yung ama niya at nakalakihang ina ng anak namin. 


Sabik na sabik na ako sa anak ko. 15 years na rin ang nakalipas, tinago siya sa akin ng ama niya mula nang ibigay ko ito at dinala sa abroad, du’n sila namuhay ng permanente kaya ‘di ko na nasilayan at nahanap ang aming anak. Sa ngayon, alam ko na kung saan sila naninirahan, dahil na-search ko sa Facebook. Kaya gustung-gusto ko siyang puntahan, pero ‘di ko alam ang diskarteng gagawin upang pumayag ang ama niya at ang asawa nito na siyang nakamulatang ina ng anak ko. 


Sana matulungan n’yo ko kung ano ang dapat kong gawin. Inaasahan ko ang inyong payo sa lalong madaling panahon. 

 

Nagpapasalamat,

Lolita ng Pampanga

 

Sa iyo, Lolita, 


Ngayong alam mo na ang address na kinaroroonan ng anak mo, makabubuting kontakin mo na ang kanyang ama na siyang nakabuntis sa iyo noon. Sabihin mo ang laman ng iyong puso at ang pananabik mo na makita ang iyong anak. Sa palagay ko naman ay hindi niya ito ipagkakait sa iyo, at sa palagay ko rin sa haba ng panahong lumipas, naghilom na ang mga sugat sa damdamin na likha ng mga pangyayaring naganap noon tungkol sa anak n’yo. 


Batid kong alam na ng iyong anak na hindi ang kinikilala niyang ina ang tunay niyang ina. Tiyak na matatanggap ka niya bilang kanyang tunay na ina. Ang lahat ng bagay ay mailalagay sa ayos kung pag-uusapan. Ipagdarasal ko na sana ganu’n ang mangyari, at higit sa lahat, ikaw at wala ng ibang ang dapat na humingi ng tulong sa Diyos. Isangguni mo ang iyong suliranin. Magdasal ka ng taimtim at natitiyak ko na, diringgin ng Diyos ang iyong dasal alang-alang sa bata na naging bunga ng pagmamahalan n’yo ng kanyang ama. 


Alalahanin mo ang batang iyan ay anak ng Diyos. Ginamit lang ang sinapupunan mo para isilang siya. Lahat ng batang isinisilang sa mundo ay Children of God. Kaya nakatitiyak ako na diringgin ng Diyos ang dasal mo. Hanggang dito na lang, hangad ko ang maagang kalutasan ng iyong problema sa awa at tulong ng Diyos Ama.

 

Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page