Search
  • BULGAR

13th month pension, katumbas ng basic 1 month pension!

@Buti na lang may SSS | December 06, 2020


Dear SSS,

Ako ay SSS pensioner. Nais ko sanang itanong kung kailan maibibigay ang 13th month pension naming mga pensiyunado. Happy holidays at maraming salamat. – Joe, Quezon City


Sagot

Mabuting balita, Lolo Joe! Simula noong Disyembre 1 ay matatanggap na ng mga SSS pensioner ang kanilang 13th month pension.


Sa kabila ng pandemya, sinikap ng SSS na ipagpatuloy ang tradisyunal na pagbibigay ng 13th month pension sa mga pensiyunado. Mula noong 1988, taun-taon ay binibigyan ng SSS ang mga pensiyunado ng 13th month pension tuwing sasapit ang Disyembre. Layon nitong bigyan ng karagdagang benepisyo ang mga pensiyunado sa panahon ng Kapaskuhan.


Ang 13th month pension ay katumbas ng isang buwan na basic monthly pension ng pensiyunado. Kaya sa mga disability pensioner, hindi kasama ang P500 monthly medical allowance sa pag-compute ng 13th month pension nila.


Para sa mga pensiyunado na tumatanggap na ng kanilang pension mula sa mga bangko na kabilang sa Philippine Electronic Fund Transfer System and Operations Network (PESONet), matatanggap nila nang sabay ang 13th month pension at pension para sa buwan ng Disyembre sa mga petsa na Disyembre 1 at 4, depende sa kanilang date of contingency.


Ang tinutukoy na date of contingency ay ang petsa ng kapanganakan, pagkahiwalay sa trabaho, pagsasara ng negosyo, o ang unang araw ng buwan o semestre kasunod ng huling pagbabayad ng kontribusyon para sa mga retiradong pensiyunado. Para sa mga survivor pensioner, ito ay ang petsa ng pagkamatay ng miyembro o di kaya’y petsa na ipinapalagay na namatay ang miyembro. Ang petsa naman ng pagkabalda ang susundin sa mga disability pensioner.


Sa Disyembre 1 tatanggap ng 13th month at December pensions ang mga pensiyunado na ang date of contingency ay mula sa una hanggang ika-15 araw ng buwan. Sa Disyembre 4 naman ang mga pensioner na ang date of contingency ay mula ika-16 hanggang ika-31 araw ng buwan.


Sa mga bagong pensiyunado na katatanggap pa lamang ng kanilang advance 18 months na pensiyon, ang inyong 13th month pension ay matatanggap ninyo rin sa Disyembre 4.


Ang mga pensiyunado na kababalik lang ng pension bunga ng suspensiyon at may accrued o naipong pension ay matatanggap ang kanilang 13th month pension sa Disyembre 16.


Sa kabilang dako, nakikipag-ugnayan na ang SSS sa mga bangko na hindi pa kabilang sa PESONet. Hinihiling ng SSS sa mga nasabing bangko na kung maaari ay mai-withdraw ng mga SSS pensioner ang kanilang 13th at December pensions ng hindi lalagpas sa Disyembre 4.


Para sa mga pensiyunado na tumatanggap ng tseke, nakikipag-ugnayan na ang SSS sa Philippine Postal Corporation upang mapabilis ang pagpapadala ng mga tseke sa SSS pensioners.


Sana ang mabuting balitang ito ay magdala ng kasiyahan sa aming mga pensiyunado!

◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa “Philippine Social Security System” at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates.”


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan ukol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2021 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.