top of page

12 yrs. kulong, P1M multa sa gagamit ng AI sa kalokohan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 6
  • 2 min read

ni Mylene Alfonso @News | August 6, 2025



File Photo: Chiz Escudero / AI - FP


Nais ni Senate President Francis 'Chiz' Escudero na patawan ng parusa ang sinumang gagamit ng artificial intelligence (AI) sa maling paraan.


Sa kanyang inihaing Senate Bill No. 782 o ang Physical Identity Protection Act, ang sinumang gagawa, magdye-generate, magpo-produce, magpapalaganap, o maglabas ng anumang AI-generated na content na gumagamit ng pisikal na anyo o imahe ng isang tao nang walang pahintulot ay papatawan ng kasong kriminal.


Layunin ng panukala na magtakda ng mga sumusunod na parusa: Kulong na 1 hanggang 2 taon o multang hindi lalampas sa P200K, o pareho, sa sinumang gumawa, nag-generate, o nagbahagi ng content na gumagamit ng pisikal na anyo ng isang tao nang walang pahintulot o legal na batayan; Kulong na 2 hanggang 4 na taon o multang P200K hanggang P400K, o pareho, kung ang layunin ng content ay para sa financial gain o profit; Kulong na 4 hanggang 6 na taon o multang P400K hanggang P600K, o pareho, kung ang content ay may layuning makapanlinlang o makagawa ng krimen; Kulong na hanggang 12 taon o multang P600K hanggang P1 milyon, o pareho, kung ang content ay parehong ginagamit para sa kita at panlilinlang o krimen.


Aniya, kung ang lumabag ay isang opisyal o empleyado ng pamahalaan, bukod sa maximum na parusa, siya papatawan pa ng habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng anumang posisyon sa gobyerno.


May mga nakasaad din na exemption sa panukala, partikular kung ang paggamit ng pisikal na anyo ng isang tao ay ginawa nang may mabuting layunin, tulad ng makatotohanang pag-uulat o dokumentasyon sa mga isyung may kinalaman sa pampublikong interes. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page