- BULGAR
12 MN - 5 AM Curfew sa Metro Manila, isinusulong
ni Lolet Abania | October 13, 2020

Pinag-aaralan na ng Metro Manila mayors na iklian ang oras ng itinakdang curfew sa National Capital Region (NCR) upang magkaroon ng mas mahabang business hours ang mga establisimyento sa rehiyon sa kabila ng pandemya ng COVID-19.
Sa naganap na pag-uusap ng mga alkalde, mula sa kasalukuyang curfew na alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng madaling-araw gagawin itong alas-12 ng hatinggabi hanggang alas-5 ng madaling araw.
“Mas maganda na paigtingin natin ‘yung ating curfew para tuluy-tuloy na ‘yung pagbaba noong ating COVID, kasi kapag nawala ‘yung curfew, extended, maglalabasan ‘yung mga youth na makikita natin sa kalsada,” sabi ni Parañaque Mayor Edwin Olivarez.
Bukod sa curfew, tinalakay din ng mga mayors ang mga papayagang makalabas ng bahay na magiging 18-anyos hanggang sa edad 65.
“Unang-una, makakatulong ‘yun sa ating pagbubukas ng negosyo, malaking tulong ‘yun sa ating mga businesses at the same time, ‘yung mga age rin madaragdagan, ‘yung age bracket para naman makalabas sila (para makabili) sa kanilang pangangailangan,” ani Olivarez.
Gayunman, ayon kay Olivarez, patuloy pa rin ang ginagawa nilang pagmo-monitor sa bilang ng tinatamaan ng COVID-19 cases sa Metro Manila bago sila magdesisyong iklian ang oras ng curfew.