10-year driver’s license, challenge sa mga pasaway
@Editorial | October 30, 2021
Umarangkada na ang 10-year validity ng mga nire-renew na driver’s license.
Ayon sa Land Transportation Office (LTO), lahat ng mga drayber na walang anumang traffic violation records ay puwedeng makapag-renew ng lisensiya na mayroong expiry nang hanggang 10-taon.
Habang ang mayroong violations naman ay bibigyan ng validity na hanggang limang taon.
Magandang pagkakataon ito sa mga disiplinado at talagang sumusunod sa mga batas-trapiko.
Habang magsisilbi namang hamon sa mga pasaway na magbago na.
Hindi maitatangging marami ang lisensiyado pero, hindi naman disiplinado pagdating sa kalsada.
Dagdag pa ang kawalan ng kaalaman sa mga ipinatutupad na batas-trapiko. Kahit basic traffic warning o sign, hindi alam.
Ang ending, nasasangkot sa aksidente, nalalagay sa alanganin ang buhay, nakakapandamay pa ng ibang tao.
Kaya sana, kasabay ng pagpapalawig sa bisa ng lisensiya ay ang mas mahigpit naman sa pagkakaloob nito.
Hindi dapat nakakalusot ‘yung basta lang nakakapagmaneho, dapat ‘yung marunong, alam ang batas, sinusunod ang mga ito at higit sa lahat, marespeto at may pagpapahalaga sa buhay ng lahat ng nakakasama sa kalsada.
Samantala, ipinaliwanag naman ng LTO na hanggang Disyembre ang validity ng lahat ng mga student permits, driver’s license at conductors license na nakatakdang mapaso ngayong Oktubre 31 bilang konsiderasyon sa ipinatutupad na quarantine restrictions sa bansa.



Comments