Sino ang aking forever, mahal ko o mahal ako?!
- BULGAR
- Apr 12, 2023
- 3 min read
ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Numero | April 12, 2023
Dear Maestro,
LDR kami ng boyfriend ko, at pareho pa kaming nag-aaral, pero magkaiba kami ng school na pinapasukan. Kaya lang, ngayon ay nagbago na ang tingin ko sa kanya, siguro dahil LDR kami.
Sa kabilang dako, may nagugustuhan ako ngayon na kaklase ko. Hindi ko sigurado kung crush ko lang ba siya dahil matalino at mabait siya o mahal ko na siya? Palagi kaming magkasama at magkatabi sa upuan ‘pag nasa school, kaya unti-unting nahulog ang loob ko sa kanya, pero magkaibigan lang kami. Mahirap umasa dahil hindi ko alam kung may gusto rin ba siya sa akin o kaibigan lang ang tingin niya sa akin.
Marami ang nagkakagusto sa kanya dahil napakabait niya. Gayunman, masaya ako kapag siya ang kasama ko at minsan ay nakakaramdam ako ng selos sa mga kaklase ko dahil inaamin nila na crush nila ‘yung gusto ko, pero hindi ko masabi sa kanya ‘yun.
Pero, may isa akong kaibigan na nakakaalam sa tunay na nararamdaman ko para sa kaklase ko, kaso, muntik na niyang malaman dahil sa tuksuhan namin. Bilang babae, ayaw kong malaman niya ‘yun dahil nakakahiya at ayaw kong masira ang pagkakaibigan namin.
Maestro, may pag-asa ba na magkagusto rin ‘yung kaklase ko sa akin o magiging magkaibigan na lang kami hanggang matapos ang buong sem? Gayundin, magkakaroon ba kami ng kani-kanyang career?
Sino ang tunay kong ka-compatible, ang kaklase ko na ipinanganak noong September 30, 2001 o ang boyfriend ko na isinilang noong February 16, 2001? March 14, 2001 ang birthday ko.
Umaasa,
Abigail ng Silangan, San Mateo, Rizal
Dear Abigail,
Hayaan mong kusang mahinog ang prutas sa sanga at kapag nangyari ‘yun, sabi nga ng matatanda dine sa Bulacan at kahit sa totoong karanasan, “Mas matamis at masarap ang prutas na hinog sa puno!”
Ganundin sa ugnayan n’yo ng kaibigan mo na isinilang noong September 30, 2001.
Malaki ang posibilidad na darating ang panahon na magkakahulugan din kayo ng loob, kaya sa kasalukuyan hindi ka dapat mainip. Kumbaga, i-enjoy mo lang ang ganyang feeling na ang inyong istorya ay tila mababasa sa mga nobela sa pocketbook at mapapanood sa pelikula, kung saan naghihintay ang mga mambabasa at nagtatanong, “Sila ba ang magkakatuluyan sa bandang huli?”
Pero mapapansin mo na ang tanong na ‘yan ang mistulang nagpapaikot at nagpapaganda sa istorya. Dahil dito, lalong kinikilig ang mga mambabasa sa bawat paglipat ng pahina, lalo na kapag ang sitwasyon o eksena ay may mga selos factor.
Sa kaso n’yong dalawa, kapwa kayo kinikilig at inililihim n’yo ang damdamin niyo sa isa’t isa, na lalo namang nagpapasarap at nagpapaigting ng inyong ugnayan na wala pang label sa kasalukuyan.
Subalit ang ikinaganda nito, sumakay ka lang sa mga pangyayari at i-enjoy mo ito. Kung ikukumpara sa mga istorya sa pocketbook at mga love story sa pelikula, hindi ikaw o siya ang mambabasa o manonood dahil kayo mismo ang mga bida.
At kung Pinoy ang manunulat o direktor ng inyong istorya, alam mo na marahil o nahihinuha mo na ang magiging ending – ang magkaibigang bida na dumaan ang ugnayan sa maraming pagsubok — sila rin ang nagkatuluyan at habambuhay na naging maligaya.
Sa pagkakataong ito, kayo ‘yun at ang minsang inakala mo na kathang-isip ay magkakatotoo sa inyong karanasan ng kaibigan mong isinilang noong September 30, 2001, habang March 14, 2001 ka naman.
Sa bandang huli, mabubuo at kusang mahihinog ang matimyas, nakakakilig at masayang relasyon na nakatakdang mangyari ngayong taon, sa buwan ng Setyembre o Oktubre, na hahantong sa mala-fairytale na ending kung saan sinasabing, “And the beautiful princess and handsome prince lived happily ever after.”
Comments