top of page

Masusubok ang Pinay Booters, vs. Thai sa SEAG knockout semis

  • BULGAR
  • May 18, 2022
  • 1 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | May 18, 2022



Daraan sa malaking pagsubok ang Pilipinas ngayong Miyerkules sa knockout semifinals ng 31st Southeast Asian Games Women’s Football Tournament. Naghihintay sa mga Filipinas ang Thailand na desididong makabawi sa laban simula 5 p.m. sa Cam Pha Stadium sa Qua Ninh, Vietnam.

Matatandaan na tinalo ng Filipinas ang mga Thai, 1-0, sa nakaraang 2022 AFC Women’s Asian Cup India na nagsilbing daan para tuluyang makapasok sa 2023 FIFA Women’s World Cup. Wala ngayon ang bayani ng laro na si Chandler McDaniel na inoperahan ang tuhod subalit maraming armas ang maaaring ilabas ni Coach Alen Stajcic.

Anim na magkaibang Filipinas ang nagtala ng tig-isang goal nila sa dalawang laro sa group stage na sina kapitana Tahnei Annis, Isabella Flanigan, Sarina Bolden, Eva Madarang, Quinley Quezada at Anicka Castaneda. Nariyan din si Carleigh Frilles na gumawa ng walong goal sa apat na FIFA Friendly kontra sa mga pambansang koponan ng Fiji at Tonga bago ang SEAG.

Mamimili ng goalkeeper si Coach Stajcic sa pagitan ng beteranang si Inna Palacios at kapatid ni Chandler na si Olivia McDaniel. Si Palacios ang naglaro sa 5-0 panalo sa Cambodia at si McDaniel ang nakasalang sa 1-2 pagkabigo sa host at defending champion Vietnam.


Tututukan ng depensa si Taneekarn Dangda na nagtala ng bihirang hat trick o tatlong goal sa kanilang 5-0 tagumpay sa Laos sa huling araw ng group stage. Dapat bantayan din ang mga matinik na sina Chatchawan Rodthong, Kanyanat Chetthabutr, Irravadee Makris at Nutwadee Pram-nak na tulad ni Dangda ay mga beterana ng Women’s Asian Cup at sariwa pa ang alaala ng kanilang pagkabigo sa Filipinas.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page