Alamin mula kay Señor... MGA BABALA TUNGKOL SA TAKDANG-ORAS KUNG KAILAN MAMAMATAY ANG TAO
- BULGAR
- Apr 24, 2019
- 2 min read
Bigyang-daan natin ngayon ang email ni Russel ng Russel_Russel@ facebook.com
Dear Señor,
Paano malalaman kung mamamatay na ang tao?
Naghihintay,
Russel
Sa iyo Russel,
Walang nakaaalam kung kailan mamamatay ang tao. Ito ang pangkalahatang katotohanan, pero hindi naman dahil sinabing walang nakaaalam ay hindi na puwedeng malaman.
Kumbaga, oo, hindi alam ng tao kung kailan siya mamamatay, pero kung ipaaalam sa kanya, eh, di alam na niya. Ganu’n ang patakaran sa mga bagay na lihim.
Ito ang mga paniniwala kung mamamatay na ang tao, kumbaga, ang mga ito ay nagbababala na dumating na ang kanyang “takdang-oras.”
Kapag siya ay may grabeng sakit, ang alulong ng aso ay nagbababala na si kamatayan ay nasa paligid lang at naghihintay ng tamang oras.
Kapag may dumapong kuwago na malapit sa bahay ng taong may sakit.
Kung may aali-aligid na uwak sa bahay ng may sakit.
Kapag naman walang sakit, pero napansin ng tao na biglang huminto ang mga kamay ng orasyon sa dingding, ito ay nagbababala na matatapos na ang kanyang takdang-panahon sa lupa.
Kapag siya ay nagbabaraha at ang lumabas ay alas na espada, ito ay palatandaan na siya ay mamamatay na.
Nananaginip ng mga patay o kaluluwa ng mga kakilala niyang mga yumao na.
May mga anino na nakikita na lumapit o pinanonood siya.
Nagsalamin siya at sa salamin ay parang nawala ang imahe ng kanyang ulo.
Naglalakad at walang anino.
Bumagsak ang kanyang litrato na nakapatong sa cabinet o nasa dingding.
Kawalan ng ganang kumain kahit siya ay gutom.
May pagkakataong biglang nagustuhan niya ang masasarap na pagkain.
Nanaginip ng mga pangyayaring aksidente mula sa mismong mamamatay at maaaring mula sa mga panaginip ng kanyang mga mahal sa buhay o kakilala.
Ang mga nasa itaas ay mga paniniwala na ang tao ay kukunin na ni kamatayan at dahil paniniwala lang ang mga ito, puwedeng magkatotoo o hindi. Pero, ayon sa kasaysayan ng tao, ang ilan sa mga ito ay totoong nangyayari.
(Itutuloy)
Comentários