top of page

Year of the Monkey, laging tinatakbuhan ang sitwasyong sanhi ng kalungkutan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 6, 2020
  • 2 min read

ni Maestro Honorio Ong - @Forecast 2020 | August 6, 2020



Sa pagpapatuloy ng pagtalakay sa magiging kapalaran ng bawat animal sign, pag-usapan natin ang pangunahing ugali at kapalaran ng Monkey o Unggoy ngayong Year of the Metal Rat.

Kung ikaw ay isinilang noong 1920, 1932, 1944, 1956, 1968, 1980, 1992, 2004 at 2016, ikaw ay mapabibilang sa animal sign na Monkey o Unggoy.


Bukod sa pagiging masayahin, ang mga Unggoy ay may malawak na pag-iisip, praktikal at malaya, kaya naman mapapansing bihira kang makatatagpo ng Unggoy na malungkutin at namumroblema. Para sa kanila, ginawa at nangyari ang buhay sa mundong ito para magsaya, lumigaya at magpakasarap sa ani ng mga bungang pinagpaguran mo sa buong maghapon.


Sa sandaling napapansin ng Unggoy na ang sitwasyon ay maaaring magbigay sa kanya ng kalungkutan, madalas ay agad-agad siyang tatakas o iiwas sa nasabing sitwasyon o pangyayaring magdadala sa kanya sa kalungkutan. Dahil tulad ng nasabi na, wala sa bokabularyo ng Unggoy na manatili sa sitwasyong ikalulungkot at magiging dahilan ng kanyang pagluha.


Dahil dito, iniisip ng iba na ang Unggoy ay hindi gaanong seryoso sa buhay dahil kapag sila ay medyo nahihirapan na kung saan ang magiging resulta nito ay hindi na siya magiging masaya, tulad ng nasabi na, madaling sumusuko at kusang umaayaw ang Unggoy.


Hindi rin siya mapagpasensiya at madali siyang mainip, lalo na kung naghihintay siya sa bagay na alam niyang malabo at hindi talaga darating. Ibig sabihin, bukod sa walang tiyaga sa mga bagay na nakaiinip at mabusisi, hindi rin umaasa ang Unggoy sa biglaang suwerte dahil para sa kanya, ang lahat ng bagay ay dapat isagawa at paghirapan bago tuluyang mapitas ang bunga ng sarap at kaligayahan.


Kaya naman sa 12 animal signs na ipinatawag ni Lord Buddha sa kanyang palasyo, bukod sa pagiging praktikal, ang Unggoy ay isa sa mga hayop na mahusay o magaling gumawa ng pera. Ibig sabihin, kung gugustuhin niya, marami siyang paraan upang madaling magkapera.


Dagdag pa rito, dahil tuso at matalino, ayaw na ayaw ng Unggoy na siya ay iisahan o paglalamangan dahil kapag nangyari ito, hindi titigil ang Unggoy hangga’t hindi ka niya napaghihigantihan.


Karamihan sa mga Unggoy ang nagiging dakilang payaso o tapagpatawa, pintasero at mahilig pumuna, stockbrokers o negosyante, abogado at diplomat. Puwede rin sa kanila ang propesyong pagsusulat na umiimbento ng mga istorya o kuwento na hindi naman totoo.


At dahil likas na praktikal at matalino, sinasabi ring sa anumang trabaho o gawaing pasukin ng Unggoy, nagagawa niyang pagbutihin ito, kaya kadalasan ay kinikilala, tinatanghilik at hinahangaan ang kanilang mga nilikha.

Itutuloy

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page