Worried sa manugang at anak dahil ‘di na sweet
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 1, 2022
Dear Sister Isabel,
Kasama ko sa bahay ang aking anak at kanyang pamilya. Noong una ay masaya kaming lahat, gayundin ang mga apo ko hanggang naisipan ng manugang ko na magtrabahong muli sa abroad. Bumalik siya sa dati niyang employer, isang taon na ang nakararaan. Okay naman ang pagtatrabaho niya ru’n hanggang nakauwi na siya rito sa Pilipinas, tatlong linggo na ang nakalilipas.
Napansin ko na hindi na sila sweet ng anak ko. Hinahayaan lang nila ang bawat isa kahit hindi umuwi at matulog sa bahay ng biyenan nang ilang araw o kahit um-attend ng party sa mga kaibigan ng bawat isa. Hindi na talaga sila close gaya ng dati.
Bilang magulang na rin nila, nalulungkot ako sa nakikita ko. Dapat bang makialam at mamagitan ako? Gustong-gusto ko nang tanungin ang anak ko kung may problema ba sa kanilang mag-asawa, pero nagtitimpi ako. Baka lalo lang kasing gumulo kung makikisali ako sa problema nila.
Sa palagay mo, Sister Isabel, ano ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Aling Maritess ng Davao
Sa iyo, Aling Maritess,
Mahirap sa kalooban kung ganyang kitang-kita mo ang hindi pagkakasundo at matabang na pagtitinginan ng anak at manugang mo. Sa palagay ko, huwag mo muna silang pakialaman hangga’t hindi lumalapit sa iyo ang anak mo para humingi ng payo.
Ang tangi mong magagawa ay ipagdasal nang taimtim ang nangyayari ngayon sa kanilang mag-asawa. May hustong pag-iisip na sila at hindi na sila mga bata. Gagawa at gagawa ng solusyon ang bawat isa kung talagang gusto nilang maibalik ang tamis ng kanilang samahan. Talagang ganyan ang buhay may asawa, hindi laging smooth, darating at darating ang mga pagsubok at ‘yan ang nangyayari ngayon.
Tanging taimtim na pagdarasal ang dapat mong gawin at wala nang iba. Prayer can move mountain, ‘ika nga. Makikita mo na sa darating na mga araw, babalik din sa normal ang kanilang pagtitinginan. Power of prayer will prevail.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments