Worried na masaktan ang isang bf ‘pag namili kung sinong seseryosohin
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 14, 2022
Dear Sister Isabel,
Sumaiyo nawa ang pagpapala ng Diyos na Dakila. Ang problemang isasangguni ko sa inyo ay tungkol sa dalawa kong boyfriend. Wala kasi akong masabi sa kanilang dalawa. Nanghihinayang ako kung mawawala sa akin ang isa dahil ramdam na ramdam ko ring mahal na mahal nila ako. Marunong naman akong magdala kaya hindi sila naghihinala o nagdududa sa pagmamahal ko.
Alam kong mali, pero hindi ko alam kung kakayanin ng puso ko na tuluyang mawala ang sinuman sa kanilang dalawa. Pareho silang matimbang sa puso ko dahil kapwa sila nagtataglay ng mga katangian na hinahanap ko sa isang lalaki.
Ano ang dapat kong gawin para hindi ako masaktan ‘pag dinispatsa ko ang isa sa kanila? Napag-isip-isip kong itigil ang kahibangan kong ito dahil isa lang dapat ang kong piliin. Hihintayin ko ang payo n’yo.
Nagpapasalamat,
Dessiree ng Albay
Sa iyo, Dessiree,
Sa palagay ko’y hindi ka na bata para hindi malaman ang tama at mali. Huwag mong lokohin ang sarili mo. Hindi puwedeng pareho ang feelings mo sa dalawang lalaki dahil kalokohan ‘yan at tiyak ko na may pagkakaiba ang dalawang boyfriend mo. Kahit nga identical twin ay may pagkakaiba, sila pa kaya na hindi naman kambal? Gumising ka, kapahamakan ang idudulot niyan sa iyong buhay. Huwag kang mamangka sa dalawang ilog at alalahanin mo ang kasabihan na, “Ang sinumang namamangka sa dalawang ilog ay hindi makakarating sa patutunguhan. Dulot nito sa kanya ay kapahamakan.”
Huwag mo nang hintaying dumating sa punto na mapahamak ka, kaya magpasya ka na ngayon. Palayain mo ang isa at unti-unti mong idistansiya ang iyong sarili. Maging matabang ka na ng pakikitungo sa pinili mong tanggalin sa buhay mo at ‘pag nakahalata siya na nagbabago ka na, hindi niya na marahil ipipilit ang sarili niya sa iyo.
Gawin mo ito hangga’t maaga bago pa magkabistuhan at humantong sa hindi inaasahan. Isa lang ang dapat mahalin. Walang naghihintay na kaligayahan sa taong salawahan dahil luluha siya habambuhay. Huwag mong hayaang mangyari ito sa iyo.
Ang pag-ibig ay sagrado, hindi laruan. May parusang nakalaan ang Dakilang Kataas-taasan kapag ang pag-ibig ay pinaglaruan. Gayundin, walang kapantay na kalungkutan ang daranasin ng taong salawahan at habambuhay siyang magdurusa. Puso niya ay kailanma’y hindi liligaya.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments