Worried dahil nagbago ang panganay na anak
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | June 8, 2022
Dear Sister Isabel,
Nais kong humingi ng payo sa inyo tungkol sa anak kong panganay na 23-anyos. Matulungin siya sa aming pamilya dahil nagtatrabaho na siya at malaking tulong ang ibinibigay niyang panggastos sa bahay, gayundin sa pagpapaaral ng isa pa niyang kapatid.
Noon ay mabait siya, magalang at masunurin, pero noong mga nakaraang araw ay palagi siyang nakasigaw at nagagalit kahit sa maliit na bagay. Nabawasan na rin ang ibinibigay niya sa aming panggastos. Hindi ko naman siya makompronta o mapagsabihan dahil baka masamain niya ang sasabihin ko at baka tuluyan niyang itigil ang pagtulong sa amin.
Ano ang dapat kong gawin? Sana ay matulungan n’yo ako.
Nagpapasalamat,
Linda ng Masbate
Sa iyo, Linda,
Kausapin mo nang masinsinan ang iyong anak at itaon mo na nasa maganda siyang mood dahil baka may pinagdadaanan siya, pero hindi lang niya masabi sa iyo.
Bilang ina, ipakita mo na handa kang dumamay, anuman ang problema niya sa kasalukuyan. Maaaring sa pag-ibig, kalusugan, trabaho at puwede ring nabarkada siya sa mga kaibigang masama ang naging impluwensiya sa kanya.
Ikaw lang ang puwedeng makatulong sa pinagdaraanan niya ngayon kaya siya biglang nagbago ng pakikitungo sa inyo. Kausapin mo na siya hangga’t maaga para mabalik ang dating pakikitungo niya sa pamilya n’yo.
Ipinapayo ko na gawin mo ito sa malumanay na pananalita. Muli, ipakita mo na bilang ina, handa kang damayan siya, anuman ang problema na hinaharap niya. Lakip nito ang dalangin ko na maging maayos ang pag-uusap n’yo ng anak mo at muling maibalik sa dati ang pakikitungo niya sa inyo.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments