top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Walang natanggap na benepisyo mula sa yumaong mister dahil kabit

BULGAR
Mar 23, 2022
3 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | March 23, 2022


Dear Sister Isabel,


Akala ko, ako na ang pinakasuwerteng babae sa mundo dahil nakatagpo ako ng asawa na mabait, matalino, maunawain, mapagpakumbaba at higit sa lahat, romantiko at malambing. Kasal kami at limang taon nang nagsasama. Kahit hindi kami nagkaanak, napakasaya ng pagsasama namin. Masasabi kong perfect match kami, pero sa isang iglap ay natapos ang aming kaligayahan dahil sa COVID-19. Tinamaan siya ng sakit at hindi siya nakaligtas sa kamatayan. Napakabilis ng mga pangyayari at d’yan nag-umpisa ang problema ko.

Nalaman kong dalawang beses siyang nagpakasal at ako ang pangalawa niyang pinakasalan. Lumalabas na kabit ako at invalid ang kasal namin, kaya wala akong nakuha sa lahat ng benefits na dapat ay ako ang makakakuha. Ako ang sumalo ng gastos pati sa ospital noong nagkasakit siya hanggang sa tuluyan na siyang namatay, pero sa legal wife napunta ang lahat, kasama na ang lifetime pension at iba pang financial benefits.


Hindi ko matanggap ang nangyari at parang gusto nang lumipad ng isip ko sa pangyayaring ito. Nanghihina rin ako at may sakit. Gusto ko nang magpakamatay, tutal, wala na siya sa buhay ko at siya lang ang kaligayahan ko. Mabuti pa na sundan ko na lang siya sa kabilang buhay at ituloy ang aming masayang pagsasama. Hindi ako galit sa kanya sa kabila ng lahat, ngunit sa tindi ng lungkot at depresyon na nararanasan ko, parang ayaw ko nang mabuhay.


Sana ay gumaan ang kalooban ko sa sandaling mapayuhan n’yo ako. Naniniwala ako na mabibigyan n’yo ako ng payo upang bumalik sa dati ang isip ko at tanggapin nang maluwag ang nangyaring sa akin.


Nagpapasalamat,

Cecilia ng Kawit, Cavite



Sa iyo, Cecilia,


Una sa lahat, nakikiramay ako sa pagkamatay ng asawa mo. Wala talagang permanente sa mundo. Lahat ay dadaan at lilipas, at ganyan ang nangyari sa iyo. Hindi naging permanente ang masayang pagsasama n’yo ng asawa mo na akala mo ay ikaw lang ang pinakasalan, ‘yun pala ay may nauna sa iyo.


Napakahusay talagang magpalusot ng mga lalaki. Mahusay silang magtago ng sikreto na akala mo’y tunay na isa lang ang kanilang mahal pero may iba pa pala. Tanggapin mo nang maluwag sa kalooban ang pagyao niya. Pera lang naman ang pinoproblema mo ngayon dahil ‘yung legal wife niya ang nakinabang.

Hindi ka pababayaan ng Diyos. Nakikita Niya kung paano kayo nagmahalan at nagsama nang maligaya, ngunit hanggang du’n na lang talaga ang buhay niya. Ang Diyos ay makatarungan. Mahal ng Diyos ang mga biyuda. Magdasal ka nang taimtim at hingin ang Kanyang tulong at malulutas ang problema mo. Gayundin, maraming biyaya ang darating sa iyo.


Hindi solusyon ang balak mong pagpapakamatay dahil physical body mo lang ang namatay, pero ang isip at kaluluwa mo ay buhay na buhay pa ring nakatunghay sa mundo at hindi mo na mae-enjoy ang mga kasayahan dahil wala na ang physical body mo.


Alalahanin mo, hindi lang naman ikaw ang nagkaganyan, mayroon ding iba na tulad mo, pero nalagpasan nila dahil sa awa at tulong ng Diyos. Malay mo, makatagpo ka muli ng lalaking higit pa sa kanya. ‘Yun nga lang, tiyakin mo na walang sabit at ikaw lang ang pinakasalan. Habang may buhay, may pag-asa, ‘ika nga.


Nawa’y napalubag ko ang iyong kalooban. Sumaiyo nawa ang mga biyaya at pagpapala ng Diyos Amang nasa langit.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page