Wakasan na ang paghahari-harian ng iilang apelyido sa pulitika
- BULGAR

- Jun 5
- 1 min read
by Info @Editorial | June 5, 2026

Nakalusot na sa pinal na pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang Anti-Political Dynasty Act.
Bagama't hindi pa ito ganap na batas, malinaw ang mensahe nito: panahon nang limitahan ang paghahari ng iilang pamilya sa pulitika.
Sa loob ng maraming taon, iisa ang eksena sa maraming lalawigan at lungsod—kapag natapos ang termino ng ama, anak ang papalit; kapag hindi maaaring tumakbo ang mister, si misis naman ang eeksena. Dahil dito, nagiging negosyo ng pamilya ang serbisyo-publiko at nagiging sarado ang oportunidad para sa ibang nais maglingkod.
Hindi ito usapin ng pagiging kamag-anak. Ang tunay na problema ay ang labis na pag-iipon ng kapangyarihan sa iisang pamilya. Kapag kontrolado nila ang iba't ibang posisyon sa gobyerno, humihina ang kompetisyon, nababawasan ang pananagutan, at mas nagiging madali ang pagprotekta sa sariling interes kaysa sa kapakanan ng mamamayan.
Kaya mahalaga ang nasabing panukala. Ito ay hakbang upang mabigyan ng patas na pagkakataon ang iba pang lider na may kakayahan ngunit walang kilalang apelyido. Ito rin ay paraan upang maisakatuparan ang diwa ng Konstitusyon na matagal nang nananawagan laban sa political dynasty.
Gayunpaman, hindi sapat ang pagpasa ng panukala kung magiging mahina naman ang pagpapatupad nito. Kailangan itong maging mahigpit at walang kinikilingan. Kung hindi, mananatili lamang itong papel na walang tunay na epekto.



Comments