Search
  • BULGAR

Unang kampeonato sa AFF Cup, sasakmalin ng PHL Azkals

ni Anthony Servinio - @Sports | June 23, 2020




Kahit sa katapusan ng taon pa magaganap ang AFF Suzuki Cup 2020, ngayon pa lang ay abala na si Coach Scott Cooper sa pagsusuri sa mga manlalarong Filipino sa ibayong dagat upang palakasin ang Philippine Azkals. Sisikapin ng Pilipinas na makuha ang unang kampeonato sa torneo isang dekada na nakakalipas buhat noong tinaguriang “Miracle In Hanoi” na naghudyat ng pag-angat muli ng Football sa bansa.

“We’ve been studying their abilities and most importantly, their true desire to play for the Philippines,” wika ni Coach Cooper sa palabas na Across The Line. “All these players can make their entry in the near future.”

Karamihan ng mga kandidato ay tubong Alemanya na sina Gerrit Holtmann at Raphael Obermair na parehong midfielder at goalkeeper Bernd Schippman. Nariyandin si midfielder Jesse Curran (Australia) at mga defender na sina Jefferson Tabinas (Ghana), Niko de Vera (Estados Unidos), Jesper Nyholm (Sweden) at Michael Kempter (Switzerland).

Noong makasaysayang gabi ng Disyembre 5, 2010 sa kabisera ng Vietnam ay ginulat ng Azkals ang lahat at pumasok sa semifinals ng Suzuki Cup sa unang pagkakataon matapos talunin ang defending champion Vietnam, 2-0, sa likod ng mga goal nina Chris Greatwich at Phil Younghusband. Mula roon ay pasok ang mga Pinoy sa semifinals sa tatlo sa apat na sumunod na edisyon subalit hindi pa sila nakakalaro para sa kampeonato.

Malaking papel ang ginampanan ng mga Filipino-foreigner sa pambansang koponan sa huling 10 taon. Retirado na ang karamihan ng Azkals noong 2010 kaya napapanahon na upang maghanap ng bagong dugo na magbibigay sigla sa koponan.

Bago ang Suzuki Cup ay tatapusin ng Azkals ang kanilang tatlong nalalabing laro sa 2022 FIFA World Cup Qatar at 2023 AFC Asian Cup qualifier kontra Guam, Tsina at Maldives sa Oktubre at Nobyembre. Ang Suzuki Cup ay nakatakdang magsimula sa huling linggo ng Nobyembre at iikot ang mga laro sa lahat ng kalahok na bansa. (A. Servinio)

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.