top of page

Tunay na kahulugan ng kalayaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jun 12, 2025
  • 1 min read

by Info @Editorial | June 12, 2025



Editorial

Tuwing Hunyo 12, puno ang social media ng mga post tungkol sa Araw ng Kalayaan: mga selfie kasama ang watawat, quotes mula kay Jose Rizal, at mga hashtag na #Kalayaan at #ProudPinoy


Pero ano nga ba ang ibig sabihin ng kalayaan sa panahon ngayon? Noong 1898, malinaw ang laban. May dayuhang mananakop, may rebolusyon, may mga bayani. 

Pero ngayong 2025, sino o ano na ba ang “kaaway” ng ating kalayaan? 


Maaaring ito na ay ang fake news, kahirapan, at sistemang tila laging nakakalimot sa ordinaryong Pilipino.


Marami sa atin ang malaya ngang mag-post ng opinyon online, pero takot pa rin magsalita sa totoong buhay. 


Malaya tayong bumoto, pero paulit-ulit pa rin tayong nabibigo. 


May edukasyon, pero kulang ang oportunidad. May karapatan, pero laging kailangang ipaglaban. Kaya ngayong Araw ng Kalayaan, hindi lang sapat ang pagdiriwang. Dapat din tayong magtanong: Anong klaseng kalayaan ba ang gusto nating panatilihin — at

ipaglaban?


Kalayaang makapili ng lider na hindi kurakot. Kalayaang may access sa dekalidad na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at trabaho. 


Kalayaang mabuhay nang may dignidad at respeto. Ang kalayaan ay hindi lang alaala ng nakaraan — ito’y hamon sa kasalukuyan, at pangako sa hinaharap.Ngayong Hunyo 12, sana’y hindi lang ito araw ng pagbabalik-tanaw, kundi ng pagkilos. 


Ang tunay na kalayaan, hindi lang ‘yung minsang ipinaglaban — kailangan din itong panindigan araw-araw.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page