top of page

Todo-iwas sa mga tao dahil laging kinaiinggitan at sinisiraan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Feb 16, 2022
  • 2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | February 16, 2022



Dear Sister Isabel,


Simple lamang ang buhay ko at hindi ako napabibilang sa mayamang angkan, pero nagtataka ako dahil maraming naiinggit sa akin at gusto akong pabagsakin.


Madasalin din ako at gumaganap ng mga gawaing pansimbahan. Hindi rin naman ako kagandahan, pero bakit kinaiinggitan ako ng mga kaibigan ko? Mabait sila ‘pag kaharap ko, pero sinisiraan naman ako habang nakatalikod. Dahil d’yan, piling-pili ang aking kaibigan at mabibilang sila sa daliri.


Ayaw ko nang makihalubilo sa mga tao at ayaw ko nang makipagkaibigan. Ang gusto ko ay manahimik na lang sa bahay dahil payapa, panatag at walang intriga.


Tama ba ang ginagawa ko na umiiwas makipagkaibigan upang hindi kainggitan?


Ano ang maipapayo n’yo sa akin? Umaasa ako na gagaan ang aking kalooban sa pamamagitan ng inyong payo.


Nagpapasalamat,

Lorna ng Cebu


Sa iyo, Lorna,


Sadyang may mayroong tao na kahit wala namang ginagawa, simple, mabait at madasalin ay kinaiinggitan at sinisiraan pa rin. Sila ang mga tao na kung tawagin ay may “intriguing personality”. Malakas din ang kanilang karisma at sadyang nakakainggit ang kanilang pagkatao at isa ka sa mga taong ito.


Ang pinakamabuti mong magagawa ay huwag silang pansinin, kumbaga, dedma lang. Hayaan mong mamatay sila sa inggit at huwag mong patulan. Huwag kang bumaba sa level nila, sa halip, lawakan mo ang iyong pang-unawa at higit sa lahat, ipagdasal mo sila. Ipaubaya mo sila sa Diyos.


Makikita mo na sa paglipas ng mga araw, wala na ang iyong mga kaaway, bagkus ay nagkaroon ka pa ng mga totoong kaibigan. Ganyan ka-powerful ang prayer. Hindi na kailangang resbakan ang mga kaaway, idulog mo lang sila sa Diyos at Siya ang gagawa ng paraan dahil Siya ang daan, ang katotohanan at ang tanglaw sa ating buhay.



Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page