top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Todo-alala sa anak na OFW dahil gastador ang misis

BULGAR
Apr 6, 2022
2 min read

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 6, 2022



Dear Sister Isabel,


Sumangguni ako sa inyo dahil hindi ko na matiis ang nangyayari sa bahay. Nasa abroad ang anak kong lalaki at iniwan sa akin ang manugang ko at dalawa nilang anak.


Sobrang gastador ang manugang ko, hindi siya marunong mag-ipon kahit pinadadalhan siya ng aking anak. Hindi siya marunong mag-budget at madalas ay kinakapos at nangungutang pa sa akin bago dumating ang susunod na padala ng anak ko. Kapag sinabihan at tinuruan ko siya kung paano pagkakasyahin ang budget at kung paano mag-ipon, siya pa ang galit.


Hindi ko masabi sa anak ko ang tunay na ugali ng napangasawa niya dahil baka lalong makasama ito sa relasyon nila. Ano ang dapat kong gawin para matutong mag-ipon at humawak ng perang ipinadadala ng anak ko ang manugang ko? Kung ano-ano kasing walang kuwentang bagay ang inuuna niyang bilhin kaysa sa pangangailangan nilang mag-iina. Naaawa ako sa aking anak na nagpapakahirap magtrabaho sa abroad, pero hanggang ngayon ay walang sariling bahay at nakikitira lang sila sa akin at lagi pa ring kapos dahil sa misis niya.


Sana ay mapayuhan n’yo ako upang maiwasto ko ang ugali ng manugang ko. Umaasa ako na sa tulong ng inyong payo, mailalagay ko sa tama ang lahat.


Nagpapasalamat,

Leonora ng Taguig


Sa iyo, Leonora,


Sa palagay ko ay dapat pabayaan mo na lang ang manugang mo sa kanyang diskarte dahil hindi na siya bata para hindi malaman ang tama at mali. Unawain mo na lang siya at ipagdasal mo na matuto siyang humawak ng budget, alang-alang sa iyong anak na nagtatrabaho sa abroad. Lahat ng hirap ay tinitiis, alang-alang sa kanya at sa mga bata.

Pakitaan mo na lang ng mabuti ang manugang mo, gayundin, lawakan mo pa ang iyong pasensiya. Makikita mo, makokonsensiya rin ‘yan at mahihiya sa iyo. Matatauhan din siya at matututong humawak ng perang ipinadadala ng anak mo.


Sadyang ganyan ang mga pumapasok sa buhay may asawa ngayon, hindi pa marunong sa paghawak ng budget dahil naninibago pa. Matututo rin ‘yan, ang mahalaga ay magkasundo kayo at hindi nagbabangayan. Panatilihin mo na lang ang pagiging mahinahon at maunawain sa lahat ng sandali. Iwasan mong magkasamaan kayo ng loob dahil sa ganyang paraan, dadaloy ang grasya. Magiging magaan ang pagpapala at biyaya ng langit kapag nagkakasundo at nagkakaunawaan ang mga taong magkasama sa iisang bubong tulad n’yo ng manugang mo.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page