Tibo na inlab sa bff, gusto nang umamin
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | July 27, 2022
Dear Sister Isabel,
Isa akong tomboy, pero hindi halata. Babaeng-babae kasi akong tingnan, ngunit hindi alam ng ibang tao na pusong lalaki ako at umiibig ako sa best friend ko na babae. Mula pagkabata ay magkasama na kami sa maraming bagay dahil magkapitbahay kami. Gayundin, sabay kaming lumaki at nagkaisip.
Mahal ko siya, pero hindi ko masabi sa kanya kahit ramdam ko na may pagtingin din siya sa akin. Kaya lang, parang hindi niya rin maipahayag. Batid ko ring halata niya na pusong lalaki ako at nasisiyahan siya ‘pag magkasama kami.
Ano ang gagawin ko para ipagtapat sa kanya na umiibig ako sa kanya sa paraang matatanggap niya ako at hindi bibiguin? Tulungan n’yo ako, Sister Isabel.
Nagpapasalamat,
Danica ng Catanduanes
Sa iyo, Danica,
Sa panahon ngayon ay lantaran na ang pagtanggap sa kagaya mo at sa palagay ko ay alam na rin ng best friend mo ang iyong pagkatao. Ang sabi mo ay masaya kayo ‘pag magkasama at ramdam mo na may pagtingin din siya sa iyo. Kaya ano pa ang hinihintay mo? Samantalahin mo na at ipagtapat mong umiibig ka sa kanya. Sa palagay ko ay hinihintay niya lang na magtapat ka.
Muli, gawin mo na ngayon. ‘Ika nga, to love and to be loved is wonderful.
Hangad ko ang kaligayahan n’yo. Kung saan ka masaya, ru’n ka, basta huwag kang gagawa ng masama sa kapwa, bagkus ay pawang kabutihan lamang.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments