Teenager na pamangkin, ayaw nang patuluyin dahil dagdag-gastos
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | April 13, 2022
Dear Sister Isabel,
Nagsimula ang problema ko nang mag-celebrate ng birthday dito sa amin ang kapatid ng asawa ko kasama ang buong in laws ko. Nagustuhan ng pamangkin ng asawa ko na tumira sa amin. Pumayag naman ako dahil wala kaming kasamang lalaki sa bahay dahil seaman ang mister ko at bihira siyang umuwi.
Puro babae kami rito sa bahay kasama ang mama ko at tatlong anak kaya natuwa ako nang magpaiwan siya sa amin. Subalit bawat araw na lumilipas ay nag-aalala ako na baka maging pasanin ko lang ang batang ito at makadagdag sa problema ko, imbes na mga anak ko lang ang aking iniintindi.
Teenager pa lang siya at maraming barkada rito, gayundin, palagi siyang pinupuntahan ng mga kaibigan niya at sa hapon naman ay nagba-basketball sila at gabi na kung umuwi. Mahilig din siyang magluto, kaya nadagdagan ang mga gastos namin, hindi lang sa pang-araw-araw na pagkain kundi sa iba pang bagay.
Sa madaling salita, palagay ko ay hindi makakabuting dito siya tumira, pero paano ko ito sasabihin sa kanya nang hindi siya masasaktan? Isa pa, inaalala ko rin sumama na loob ng in laws at mister ko sa akin ‘pag sinabi ko na hindi na ako payag na rito siya tumira.
Ano ang dapat kong gawin?
Nagpapasalamat,
Govinda ng Tarlac
Sa iyo, Govinda,
Ang pinakamabuti mong magagawa ay ipagtapat sa asawa mo ang mga bagay na gumugulo sa isip mo kung magpapatuloy na tumira r’yan ang pamangkin niya.
Ipaunawa mo sa malumanay na pananalita na naisip mong dagdag-pasanin at problema ang kakaharapin mo kung permanenteng titira r’yan ang pamangkin niya.
Sa palagay ko naman ay mauunawaan ka ng asawa mo at siya ang gagawa ng paraan para umuwi sa in laws mo ang pamangkin niya. Maiisip din niya na hindi talaga makakabuting manatili pa r’yan ang pamangkin niya.
Ipanatag mo ang iyong loob. Magdasal ka sa Dakilang Kataas-taasan na maging panatag, payapa, tahimik at masaya ang iyong buhay pampamilya. Mailagay nawa sa kaayusan ang lahat ng iyong ipinag-aalala sa awa at tulong ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments