Tatlong "K" noong panahon ng batas militar
- BULGAR
- Sep 19, 2022
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 19, 2022
Nagmisa tayo noong Biyernes sa isang mababang paaralan. At nang dumating tayo, nakaupo ang humigit kumulang 800 bata sa sementadong sahig ng malaki at malawak na “Covered Courts” ng paaralan. Maingay ang mga bata at maaaring ganadong magsimba pagkatapos ng mahigit dalawang taon ng pagkakaburo sa kani-kanilang tahanan na nasanay na sa naturang “online classes.”
Ano kaya ang magiging mensahe natin sa mga bulinggit na uhaw na uhaw sa anumang magbibigay ibayong sigla sa kanilang isip, puso, diwa, katawan at kaluluwa? Alam ko na. Pakikiusapan ko ang batang seminarista na magbigay ng nakakatuwa at nakapagpapasiglang kuwento. 'Yan ang gusto ng kabataan, hindi ba? Ang makinig sa kuwento.
Ginamit ng seminarista ang simpleng kuwento ng mga kamay na nananalangin. Ito ang ibinahagi ni Brother, pagkatapos magbasa ng ebanghelyo. Seryoso ang mensahe ni Brother. Mahalaga ito. Napansin kong medyo nakinig ang mga bata. Ngunit maraming balisa na parang gustong tumayo at tumakbo, dahil mga bata, punung-puno ng sigla na nagpupumiglas na lumabas.
Kaya’t dinagdagan ko ang mensahe ni Brother. PInatayo natin ang mga bata. Sinabi ko sa mga ito: “Misa ito ng Espiritu Santo. Ang Espiritu Santo ay ang Espiritu ng Diyos na buhay na nais tayong maging palaging buhay, gising at handang kumilos para sa kabutihan at para sa Panginoon. Ibuka ninyo ang inyong mga kamay at braso na parang mga pakpak. At sabay-sabay ninyong ikilos ng pababa at pataas na parang mga pakpak ng ibon. At handa na kayo. O, sige, lipad na. At kasabay ng mga kamay at brasong pataas at pababang kumakawag na parang pakpak aking isinigaw: "lumundag din kayo, mga bata. At ayon, nagmukhang hawla ng ibon ang “covered court” na merong daan-daang ibon na nagpupumilit lumipad. At binigkas ko ang unang mga salita sa isang kanta: “Ibon man may layang lumipad. Kulungin mo ay umiiyak…” 'Yan tayo, mga ibon na nais maging malaya at sumasakay sa hangin ng biyaya ng Diyos tungo sa kapayapaan, kaginhawaan at kaganapan ng buhay… Lumilipad na ang mga batang nagmistulang ibon… at dagdag kong pakiusap: “O, sabay-sabay tayong sumigaw nang malakas."
Tuwang-tuwang lumipad, tumalon at sumigaw ang mga bagay na matagal nang nakulong, na “house arrest” dahil sa COVID-19. Tiyak kong wala sa kanila ang may alam tungkol sa Martial Law at ang iba pang ginawa ng nasirang diktador noong '60s, '70s hanggang '80s. Batang-bata pa ang mga pinalipad, pinatalon at pinasigaw na mga bata. Nais ko mang ibahagi ang aking karanasan sa Tatlong K ng mga taong hinawakan ng Pangulong Ferdinand Marcos ang Malacañang, lubhang bata at mura ang isip ng mga tatanggap ng mabigat at malungkot na mensahe. Oo at paano mo ipaliliwanag at ikukuwento ang kasuwapangan, kasinungalingan at karahasan ng mga taong iyon?
Walang programa ng pag-alala at pagpapalalim sa mga kaganapan noong Martial Law o Batas Militar ng Pangulong Diktador. Malungkot at tila nakalimutang tiyaking may matibay na programa ng paggunita, pag-aaral at pagsasabuhay ng mga leksyon noong madidilim na taon ng Tatlong K.
Huli na ba ang lahat? Hindi! Tuloy lang ang pagkukuwento, paggunita at pagsasabuhay ng mga natutunan sa mga leksyon ng madidilim at mapanganib na taon ng diktadurya, panahong ng Martial Law.
Ano kaya’t sa partikular na oras, sabay-sabay ang lahat na lumipad, lumindag at sumigaw habang tuluy-tuloy na tinutugtog: “Ibon man may layang lumipad, kulungan mo ay umiiyak."








Comments