Takot maiwan ng mister na may kabit kaya tahimik kahit buking na
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | May 11, 2022
Dear Sister Isabel,
Sumangguni ako sa inyo dahil alam kong kayo ang maaaring makapagbigay sa akin ng payo sa problemang dinadala ko sa kasalukuyan. Hindi ko malaman ang gagawin ko dahil natuklasan ko na may iba palang babae ang asawa ko. Magaling siyang magtago kaya hindi ko nahalata. Malambing, maalalahanin, masipag at mapagmahal pa rin siya. Hindi siya nagbago kailanman hanggang ngayon at mahal na mahal pa rin niya kami ng dalawa naming anak. Kahit minsan ay hindi ko inisip na may iba siyang babae.
Minsan ay sinundan ko siya kaya ko natuklasan ito, pero hindi ko siya makompronta tungkol dito dahil baka makasama pa lalo sa pagsasama namin at tuluyan na niya akong hiwalayan. Nanahimik na lang ako kahit napakasakit ng nararamdaman ko at parang nahahalata niya na nagbabago na ako at hindi na tulad noon na sobrang lambing ko sa kanya at asikasong-asikaso ko siya.
Tama bang hindi ko sabihin sa asawa ko na alam ko na ang lihim niya? Ano ang maipapayo n’yo sa akin?
Nagpapasalamat,
Gloria ng Cebu City
Sa iyo, Gloria,
Kung sa palagay mo ay kaya mong tanggapin na may ibang babae ang asawa mo, tama lang na huwag mo na siyang komprontahin. Tutal, ang sabi mo naman ay hindi nagbago ang pagmamahal niya sa inyong mag-iina kaya hindi mo nahalata na may iba pala siyang babae bukod sa iyo. Ang mahalaga, tuloy-tuloy ang pagiging mapagmahal, malambing, masipag at maalalahanin niya gaya ng sabi mo.
Sa umpisa, talagang masasaktan ka sa natuklasan mo, pero sa paglipas ng mga araw, matatanggap mo rin na dalawa kayo sa buhay ng mister mo. Lalo mo pa siyang mahalin para makonsensiya siya at tuluyan nang iwan ‘yung kabit niya.
Sa palagay ko, higit ka niyang mahal at past time lang ‘yung isa na balang-araw ay tuluyan na niyang aalisin sa kanyang buhay. Ipanatag mo ang iyong sarili, lalo ka pang magpaganda at ipagpatuloy mo ang pagpapakita ng iyong pagmamahal sa asawa mo.
Lakip nito ang aking dalangin na lalo ka pa niyang mahalin mo at manatili kayong nagsasama habambuhay.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments