Takot ba tayong mamatay? Takot ba tayong mabuhay?
- BULGAR
- Sep 24, 2022
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes - @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | September 24, 2022
Merong sine na ang pamagat ay “Dying Young.” Isang pelikula nina Julia Roberts, Campbell Scott at Joel Schumacher, na lumabas noong 1991. Si Hilary (Julia Roberts) ay caregiver, na inaalagaan si Victor (Campbell Scott) na merong leukemia. Isang “love story” ang pelikulang ito. Habang inaalagaan ni Hilary si Victor ay unti-unting simibol ang pag-ibig sa pagitan ng dalawa.
Holywood na ang rekado ng pag-ibig, ngunit ang mas malalim na mensahe ng pelikula ay ang narupukan at ang kahalagahan ng pag-unawa sa pinagdaraanan ng may sakit, na hindi nawawalan ng pagkalinga at pagmamahal.
Ito ang naging pagninilay ko sa maikling buhay ng kaibigan-kapatid na pari na si Fr. Emmanuel “Pong” del Rosario na binawian ng buhay noong ika-17 ng Setyembre 2022 sa batang edad 46. Si Fr. Pong ang pinakaunang batang pari na naging kaibigan ko noong bumalik ako pagkaraan ng 11-taon na personal na pagpapatapon (personal exile) mula Pebrero 2006 hanggang Oktubre 2017. Nagsimula ang aming pagkakaibigan sa “pilgrimage” sa Poland at Czechoslovakia ng kaparian ng Diyosesis ng Cubao noong 2018. Samantala maraming magagandang lugar na magandang mag-selfie at i-upload ito, pinili namin ni Pong na hanapin ang mga tago at maliit na lugar na mayaman sa kasaysayan at kultura. Punung-puno ng tanungan, kuwentuhan at tawanan ang aming paglalakbay kasama ng mga kapatid na pari. At oo, punung-puno rin ng pagkamangha sa kayamanan a hiwaga ng kasaysayan at tradisyon ng Simbahang-Katolika na aming natutunghayan habang kami ay naglalakad at naglalakbay sa bus at eroplano.
Noong bumalik ako mula sa mahabang pagpapatapon sa China, Hong Kong, Palawan, Cagayan Valley, Isabela at Catanduanes mula 2006 hanggang 2017, isa sa mg naging misyon na binigay ni Obispo Honesto Ongtioco ay ang pamamahala sa Urban Poor Ministry. Malaki at masalimuot itong misyon. Merong 49 parokya sa buong diyosesis. Kailangan kong tiyakin na merong Urban Poor Ministry sa bawat parokya. Ano nga ba ang ibig sabihin ng Urban Poor Ministry?
Malaki ang naging tulong ni Padre Pong sa tanong noong simula nito. Hindi pa laganap ang ganitong ministry sa mga parokya. Paano mo tutulungan at oorganisahin ang maralitang taga-lungsod? Ano ba talaga ang mga pangangailangan nila? Ano ang kanilang problema?
Dahil hindi ganon kadaling sagutin ang mga tanong, naisip namin ni Padre Pong, na lumikha ng simbolo na madaling maintindihan ng maralitang taga-lungsod dahil malapit ito sa kanilang buhay. Kung sinilang ang 'Kariton ni Maria' noong 2000, nang nagkaroon ng krisis ang bansa sa ilalim ng pamahalaang Estrada, sa panahon ni Duterte, isisilang ang 'Kariton ni Kiko'. Sino si Kiko? Si San Francisco ng Assisi ay ipakikilala bilang “Kiko”, na lulan ng kariton. Tinanong natin si Padre Pong kung maaari niyang gawan ng apat na “icon” ang apat na mukha ng Kariton ni Kiko: sa harap sa kaliwang gilid, sa kanan na gilad at sa likuran. Pumayag si Padre Pong at pagkaraan ng apat na araw, sa tulong ng dalawang masugid na disipulo niyang sina Gelai at Madonna, natapos ang apat na “ikon” sa bawat mukha ng kariton.
Makikita sa harapan si HesuKristo at ang apat na elemento: tubig, hangin, apoy at lupa. Sa kaliwang gilid si Santa Madre Teresa, si HesuKristo at si San Francisco ng Assisi. Sa kanang gilid: sina Juan Bautista, HesuKristo at ang Birheng Maria. At sa likod naman: ang Espiritu Santo. Mabilis kinunan ng staff ng parokya ang apat na “icon” at inilapat ito sa tarpaulin na sukat sa bawat bahagi ng kariton na nakalaan para sa partikular na icon.
Buong 2018 at 2019 hanggang Pebrero ng 2020, umikot ang Kariton ni Kiko sa mga parokya ng diyosesis ng Cubao. Natuwa, namangha, nagtanong at napaliwanagan tungkol sa Kariton ni Kiko ang mga maralitang taga-lungsod sa iba’t ibang bahagi ng mga parokya. Inabutan ng pandemya ang Kariton ni Kiko sa kapilya ng Sitio Militar sa Proj. 8, Quezon City. Naiwanan doon ang Kariton hanggang sa natanggap natin ang bagong destino mula kay Obispo Nes. Nagulat na lang ako nang ginawa akong Kura ng parokya ng Ina ng Laging Saklolo sa project 8, kung saan naghihintay na sunduin ang Kariton ni Kiko.
Nang mamatay si Padre Pong, minarapat kong dalhin sa kanyang lamay ang Kariton ni Kiko. Maraming tumingin, namangha, natuwa at nagtanong tungkol sa Kariton. Wala ni si Padre Pong. Subalit magsisimula muling umikot at dumalaw sa mga maralitang taga-lungsod. Patay na. Wala na si Padre Pong. Mahirap ang nagdaang dalawang taon para sa kanya. Paulit-ulit niyang naitanong: bakit ako nagkakasakit? Ano ba talaga ang gusto ng Diyos. Hindi natakot sa Padre Pong hanapin ang sagot. Hindi rin siya natakot itanong kung malapit na ang katapusan ng kanyang buhay. Takot bang mamatay si Padre Pong? Hindi ko alam dahil hindi namin ito napag-uusapan. Isa lang ang malinaw: hinding-hindi siya takot mabuhay… maglingkod… magmahal hanggang katapusan ng kanyang buhay.








Comments