top of page

Tag-ulan at taas-presyo, paghandaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 8, 2024
  • 2 min read

by Info @Editorial | August 8, 2024


Editorial

Sa nagbabantang pagpasok ng La Niña at bumibilis na taas-presyo sa bansa, ano kaya ang mga hakbang na ginagawa ng gobyerno?


Higit kanino man, ang mga opisyal ng pamahalaan ang dapat na mas nakakaalam sa mga panlaban o solusyon sa kahirapan.


Bagama’t tiniyak naman ng National Economic and Development Authority (NEDA) na paiigtingin pa ng gobyerno ang mga ginagawang hakbang nito para siguruhing sapat ang pagkain ng mga Pilipino sa gitna ng tag-ulan at inflation. Hindi umano sila titigil sa paghahanap ng mga paraan upang panatilihing sapat ang suplay ng pagkain sa gitna ng mga nagbabantang hamon.


Ito ay kasunod ng ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) hinggil sa pagbilis ng inflation rate ng bansa sa 4.4 percent nitong Hulyo mula sa 3.7% noong Hunyo.


Batay sa PSA, bagaman bumagal ang rice inflation ng 20%, nananatili pa ring mataas ang presyo ng bigas bunsod ng iba’t ibang kadahilanan gaya ng transportation cost at pagtaas ng presyo ng langis. Kaya naman inilunsad ng Department of Agriculture (DA) ang Rice-for-All program na layong maibenta sa publiko ang murang bigas para sa lahat.


Sana, maging epektibo ang mga paraang naiisip ng mga kinauukulan upang malabanan ang gutom. Marami pa rin ang lubog sa hirap. Noong medyo nakakabawi na, humagupit naman ang bagyo at winasak ng baha ang mga kabuhayan.


Pagsumikapan nawa ng pamahalaan na maiahon ang mamamayan. Napapansin umano ng publiko ang mga pagkakataon na milyun-milyon ang gastos sa mga proyekto na tila hindi naman napakikinabangan. Sa halip na nasasayang ang pondo o tila naliligaw at napupunta sa bulsa ng iilan, magamit sana para sa hanapbuhay ng mga kababayang apaw naman sa tiyaga, sadyang salat lang sa oportunidad. 





Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page