Tag-hirap na naman, kapit lang!
@Editorial | May 21, 2022
Tag-ulan na, at hirit nga ng ilan, tag-hirap na naman. Mahirap bumiyahe, mahirap maghanapbuhay, mahirap mag-budget.
Lalo na ngayong may basbas na ng Department of Trade and Industry (DTI) ang pagtataas ng presyo sa ilang pangunahing bilihin.
Ayon sa ahensiya, nasa dalawa hanggang 10 porsyento ang itataas sa presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kabilang sa mga magmamahal ang kape, bottled water, de-lata, at processed milk.
Kaugnay nito, nasa 82 produkto na nasa suggested retail price bulletin ang pinapayagan na magtaas ng presyo.
Ang pagtaas ng presyo ng raw materials ang sinasabing dahilan ng price hike.
Siyempre, kasama rin sa nakaapekto ay ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dahil sa gulo pa rin sa pagitan ng Russia sa Ukraine.
Ang eksena, nagdagdag-sahod pero nagtaas naman ng presyo ng bilihin.
Kaya, galingan pa ang diskarte sa pagtitipid at pagba-budget.
Umasa tayo na makakaraos din at makakapag-ipon ulit. Sa ngayon, konting tiis pa at mahabang pasensiya.



Comments