SUV, nahulog sa kanal, 13 patay
- BULGAR
- Apr 19, 2021
- 1 min read
ni Mary Gutierrez Almirañez | April 19, 2021

Labing-tatlo katao ang patay, kabilang ang 3 bata nang mahulog ang sinasakyan nilang SUV sa irrigation canal sa Barangay Bulo, Tabuk City, Kalinga, batay sa Facebook post ng Province of Kalinga kagabi.
Ayon sa ulat, aksidenteng dumiretso at lumubog sa malaking kanal ang itim na Ford Everest SUV bandang 6:15 nang gabi, kung saan 15 ang iniulat na nakasakay at dalawa lamang ang nakaligtas na kinilalang sina Edith Perez at Cyrel Agtulao.
Papunta umano ang sasakyan sa Bulo Lake na kilalang tourist destination sa lugar nang maganap ang aksidente. Kaagad namang sumaklolo ang mga residente, subalit idineklarang dead on arrival sa Mija Kim Medical Center sa Barangay Agbannawag ang 12 na pasaherong isinugod doon, habang isa naman ang nasawi sa tatlong isinugod sa Kalinga Provincial Hospital.
Ayon sa nasagap na impormasyon, taga-Bulanao Tabug City ang 9 na pasaherong namatay na kinilalang sina Jessiebel Paycao, Judilyn Talawec Dumayon, Alfredo Cotit Lope, Remedios Longey Basilio, Marlo Perenia at Paycao Cydric, kabilang ang mga batang sina Scarlet Paycao, 3-anyos, Jeslyn Talawec Dumayon, 4-anyos, at Sedarn Talawec Dumayon, 5-anyos.
Samantala, taga-Tadian Mountain Province naman ang apat pang nasawi, kabilang ang driver na si Soy Lope Agtulao, kasama sina Sidewyn Agtulao, Sywin Agtulao at Sonnie Lope.
Nanawagan naman si Provincial Governor Engr. Ferdinand B. Tubban ng panalangin at pakikiramay para sa mga nasawi at inutusan ang Provincial Social Welfare District Office (PSWDO) upang alamin ang maaaring maitulong ng pamahalaang lokal sa mga namatayan.
Sa ngayon ay iniimbestigahan pa ng pulisya kung paano nahulog ang sasakyan sa kanal.





Comments