Search
  • BULGAR

Suriin: Gaano ka katibay at maaasahan sa panahon ng krisis?

ni Nympha Miano-Ang - @Life and Style | June 28, 2020




Kilala ka bilang mahusay na tagapagligtas ng mga nasunugan sa inyo at dahil pandemic ngayon, frontliner ka na rin sa checkpoint, kulang na lang magtayo ka ng health care facilities para sa apektado ng COVID-19 dahil wala kang inaatrasan na tawag ng tungkulin.


Pero gaano ka nga ba kahusay sumaklolo sa mga krisis, subalit may ilan kang pagsisisi sa nagawa mong tulong lalo na't ayaw mong maapektuhan ng pandemya?


Alamin mo sa quiz na ito kung ikaw ay tunay na maaasahan o pakitang tao lamang ang pagkakawang-gawa:

  1. Sa opisina, inaasahan ka ng boss mo sa lahat kapag may deadline ang pagtatrabaho. Totoo o hindi?

  2. Kapag may 'di pumansin sa ginagawa mo ay nagdaramdam ka. True or false?

  3. Kinakaibigan mo ang isang tao pero sa dakong huli ay nagiging pabaya na siya at tamad dahil ikaw ang siya niyang inaasahan. Totoo o hindi?

  4. Kapag may emergency sa pamilya, ikaw ang inaasahan nilang hahawak ng detalye ng kanilang kailangan (pagpapadoktor, gamot etc.). Totoo o hindi?

  5. Naniniwala ka na dapat ay palagi kang nand’yan para sa mahal sa buhay o mga kaibigan kapag kailangan ka nila, kumbaga, 24/7 ang availability mong tumulong para sa kanila. Totoo o hindi?

  6. Oras na pumayag ka sa mabilisang aksiyon, napapansin mo na lang ang iyong sarili na nauubos ang oras mo para sa kanila. True or false?

  7. Kapag nakarinig ka ng balita ng trahedya, nalulungkot ka at nagi-guilty. Totoo o hindi?

ALAMIN ANG KAHULUGAN NG MGA ITO SA ‘YO. Kung ang sagot mong totoo ay apat o higit pang beses sa mga nabanggit na tanong, higit kang matulungin. Adik ka sa pagtulong at kulang na lang ay maging lisensiyado kang rescuer. May kaugnayan ito sa panahon ng kabataan mo na mataas ang tensiyon kaya nagiging ugali mo ang pagiging "hyper-vigilance". Habang lumalaki ka at maraming antas ng trauma at emergency sa pamilya, r’yan humahantong ang iyong attitude, ayon ‘yan sa psychologist na si David Olsen, na ang pattern ay nanggagaling sa konsensiya mo.


Para naman kay relationship counselor Margaret Paul, Ph.D., ang mga taong masyadong matulungin ay pangkalahatang isinisilang na may mataas na antas ng simpatiya. Dama nila ang sakit ng loob ng iba kaya gusto talagang makatulong.


‘Yan nga ba talaga ang calling para sa ‘yo? Minsan, ani Dr. Paul, ang rescuers o frontliners ay siya talagang inaasahan ng mga natutulungan—mga taong tumatanggi sa mga responsibilidad at naniniwala na may isang tao na gaya mo na bahala sa lahat. Sa pagkakataong ito, kung nais mo na magkaroon ng limitasyon sa iyong mabuting kalooban, basahin ito:

1. MAGPAHINGA. Gawin muna ito matapos ang maraming nailigtas. Kung may naganap na lindol o banggaan ng mga sasakyan, hayaan na muna ang mga bayaning bystander na tumulong. Ang karaniwan sa tulad mong mahusay tumulong sa sitwasyong ganito ay depende sa rami ng dapat tulungan at kaya ng iyong katawan at isipan. Puwede ka munang makita na rumesponde sa mababang uri ng problema tulad ng hinahanap na nawawalang aso, nai-refer ang isang kaibigan na nawalan ng trabaho, na pawang hindi ikauubos nang labis ng iyong lakas at hindi kabigatan.

2. GUMAWA NG LIMITASYON. Ang mga sobrang matulunging tao ay madalas na ginagawa ang trabaho ng iba. Tao ka lang na napapagod at upang maiwasan ito, kailangang may limitasyon ka rin. “Dapat ay bigyan mo ng gagawin ang iba,” ani life coach Sharon Demarte, M.A. Gaya ng hindi mo na papayagan na ilapit pa sa ‘yo ang lahat dahil hindi nila handang lutasin ang sariling problema. Ayusin ang ugali. Kung sa nakalipas na pagliligtas ay hirap kang tumanggi, puwede mong isagot na 'baka' o 'maaari siguro' o 'hindi ko matiyak.' “Sukatin ang iyong pagtulong,” anang psychoanalyst Farell Sylverg. Ph.D. kailangang mag-isip muna bago ka um-oo at kailangan munang kumilos ang taong apektado at saka ka nalang gumawa ng hakbang kung kailangan.

3. UNAHIN ANG SARILING KAILANGAN. Ang pagbibigay ng huling minuto ng pagtulong sa sinuman ay lumilikha ng hindi balanseng relasyon na mag-iiwan sa damdamin ng sisihan. Ugaliin ang pagsasabi sa iba na, “Sa huli ay maaari mo ba akong tulungan na...” Ang tao kasi ay hindi pansin ang iyong pagsisikap, kaya sa sandaling kailangan nila ng emergency at magkaroon sila ng problema, sila na rin ang bahala sa kanilang sarili.

4. ISIPIN MONG NAPILI KA PARA MAKATULONG. Ang resulta ng natapos na krisis ay minsang nakalulungkot sa maraming tagapagligtas. Wala namang ibang nais ang isang rescuer o frontliner kundi ang makarinig ng mga salitang “Maraming salamat at ikaw ang aming bayani!” Kung hindi man lang nakapagpasalamat ang isang natulungan na parang hindi tumanaw ng utang na loob, masakit din sa damdamin at hindi man lang napansin ang iyong kabayanihan, kahit buwis buhay mo silang natulungan. Kaya naman feeling taken for granted ka na lang.

Kaya ipaalala sa sarili na ang pagtulong sa panahon ng krisis ay hindi laging may magandang resulta, pero okey lang at least, nakatulong ka. Para sa ating mga Pilipino, likas ang may malasakit sa kapwa kahit walang hinihintay na kapalit. Ikaw pa rin ang responsable sa iyong desisyon na humakbang para makatulong.

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
BULGAR LOGO

Bulgar Online.

Call us : (02) 995-3732

© 2020 bulgaronline

Sison's Publishing House, Inc.