Sundalo, ligtas sa tangkang ambush
@Balitang Probinsiya | Oct 30, 2021
MASBATE—Nakaligtas ang isang sundalo sa tangkang ambush ng mga hindi kilalang armadong lalaki kamakalawa sa Bgy. Curvada, Cataingan.
Nakilala ang biktima na si Pfc. Eduardo Ochea, nakatalaga sa 2nd Infantry Battalion ng Philippine Army (PA) at residente sa nasabing barangay.
Ayon sa ulat, pasakay na sa kanyang motorsiklo si Ochea nang mapuna niya ang limang suspek na kahina-hinala ang kilos habang nag-aabang sa kanyang dadaanan.
Nang mahalata umano ng mga suspek na nakita sila ni Ochea ay inilabas na nila ang kanilang mga baril at dahil dito ay tumakbo ang biktima patungo sa bukid.
Dahil dito, hindi na nakapagpaputok ng baril at mabilis na tumakas ang mga suspek, samantalang may hinala ang mga awtoridad na miyembro ng NPA (New People’s Army) ang nagtangkang pumatay sa biktima.



Comments