Suko na sa ‘di patas na pagtrato ng simbahan sa mga servant
ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | September 1, 2022
Dear Sister Isabel,
Ang isasangguni ko sa inyo ay ang pagdadalawang-isip ko kung ipagpapatuloy ko pang maglingkod sa simbahang kinaaaniban ko o lumipat na lamang sa iba. Ngayon ko naisip na sa kabila ng napakagandang performance ko sa simbahan — saksi ang mga mananampalataya, gayundin ang mga kasamahan ko — masyadong masakit sa kalooban ang nararamdaman ko.
Lalo na nang magawa ang bago naming simbahan, lahat ay inimbitahan, pinagsuot ng magandang attire para sama-samang ipagdiwang ang inauguration ng simbahan at ako lang ang hindi kinumbida. Nagtataka ako at sobrang sakit ng loob ko dahil ako lang ang hindi pinatahian ng damit na isusuot sa karangalan ng aming patron.
Nasundan pa ito kamakailan nang binigyan ng plaque ang mga kasamahan ko bilang pagkilala sa pagse-serve sa simbahan, pero hindi na naman ako kasali, gayung markadong-markado ang naipaglingkod ko sa simbahan namin kumpara sa ibang pinagkalooban ng plaque.
Ngayon ko lang naisip na masyadong unfair, dibdiban kasi ang paglilingkod ko, pero bakit hindi pinahalagahan ng aming simbahan ang mga nagawa ko? Hindi naman sa naghihintay ako ng kapalit sa ginagawa ko, pero kitang-kita ko ang hindi makatarungang pamamalakad ng simbahan.
Gayunman, namulat na ako sa katotohanan, at maglilingkod ako sa bago kong lugar. Lumipat na ako ng bahay at tatlong oras ang biyahe mula sa dati kong tirahan. Pero dahil sobrang attached sa paglilingkod ang puso ko sa aming parokya, umuuwi pa rin ako para gampanan ang gawain ko sa simbahan. Tama ba gagawin ko na itigil ang paglilingkod sa dati kong parokya at sa bagong community na ako magse-serve as servant of God?
Sana ay gumaan-gaan ang pakiramdam ko sa ipapayo n’yo.
Nagpapasalamat,
Teresita ng Pampanga
Sa iyo, Teresita,
Sadyang ganyan ang buhay sa mundo, punumpuno ng kaplastikan, hindi patas at hindi makatarungan ang lipunan na ating ginagalawan. Maging sa loob ng simbahan ay wala ring pinagkaiba at minsan ay mas malala pa. Nakikisimpatya ako sa iyo dahil damang-dama ko ang narararamdaman mo dahil tulad mo, biktima rin ako ng hindi makatarungang pamamalakad sa simbahan at mga kasamahan ko sa simbahan na parang hindi naglilingkod sa Diyos.
Gayunman, kung saan ka masaya, ru’n ka. Marahil, makabubuti na ru’n ka na mag-serve sa bago mong lugar. Du’n mo ipagpatuloy ang paglilingkod mo sa Diyos, at huwag mong pansinin ang mga balakid dahil bahagi ‘yan ng paglilingkod mo sa Panginoon. Sabi nga ni Hesukristo, “Ang sinumang gustong sumunod sa mga yapak ko, maging tagapaglingkod ko ay kinakailangang magtiis din ng hirap gaya ko.” Kung gayun, maliwanag na normal ang nararanasan mo. Isipin mo na lahat ay ginagawa mo, hindi para sa tao kundi para sa kaluwalhatian ng Diyos.
Makakaasa ka na ang Diyos ay makatarungan, at napakalaki ng gantimpalang nakalaan sa iyo sa susunod na mga araw.
‘Ika nga, sa bawat pagluha, mayroong gantimpala. Hindi mo inaasahan na sa bawat patak ng luha mo, may mga pagpapalang paparating sa iyong pintuan. Magsaya at magalak ka dahil mahal ka ng Diyos.
Sumasaiyo,
Sister Isabel del Mundo




Comments