top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Sugal sa bansa kailangan nang kontrolin

BULGAR
May 5, 2022
2 min read

@Editorial | May 5, 2022


Marami nang naaadik, lubog sa utang, nakakagawa ng krimen hanggang sa nagpapatiwakal dahil sa sugal.


Sa kasagsagan ng pandemya marami ang nahumaling sa online sabong. Bagay na nakakapagtaka, walang trabaho pero nakakagawa ng paraan para may maipangtaya. Hanggang sa lalong lumawak ang operasyon at mas dumami ang mga naaadik.


Kasunod nito ang mga ulat ng pagkawala ng mga sabungero at ahente na hanggang sa ngayon ay hindi pa natatagpuan.


Matapos maimbestigahan sa Senado at sa rekomendasyon ng Department of the Interior and Local Government (DILG), tuluyan nang ipinatigil ni Pangulong Rodrigo Duterte ang operasyon ng e-sabong.


Nagbabala na rin ang DILG sa mga lalabag sa suspensiyon na maaaring maaresto at makasuhan sa korte.


Kasabay ang pahayag na puwedeng bumalik sa traditional sabong na pinapayagan sa ilalim ng Alert Level 1, kailangan lamang ng permit mula sa local government unit (LGU).

Samantala, aabot umano P5 bilyon hanggang P6 bilyon ang halaga ng kitang mawawala sa bansa ngayong taon matapos na tuluyan nang ipatigil ang e-sabong. Ayon sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor), sa taong ito ay inaasahang nasa P50 bilyon hanggang P60 bilyon lamang ang gross gaming revenue na makukuha ng pamahalaan mula sa dating P60 bilyon hangang P65 bilyon na estimated revenues nito.


Batid natin na napakalaking halaga nito na maaari sanang magamit sa mga programa at proyekto ng gobyerno, ang problema, kung hindi naman makokontrol ang mga sugarol, buong bansa rin ang magdudusa. Simula sa pamilya, ‘pag may isang lulong sa sugal, nagagawa nang mangutang hanggang sa kumapit sa patalim at hindi na makapag-isip nang matino. Apektado ang buong pamilya at mas masaklap damay pati ang ibang tao na nasa paligid.


Anumang sobra ay nakakasama. Kapag may bagay na hindi na nating makontrol, panahon na para tumigil at unawain ang sitwasyon.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page