ni Anthony Servinio @Sports | February 27, 2024
Lumayo ang bisitang Miami Heat sa huling 1:38 upang magwagi sa Sacramento Kings, 121-110 sa NBA kahapon sa Golden 1 Center. Winalis ng Heat ang dalawang tapatan ngayong taon at nagkita muli ang mga Pinoy pride head coach Erik Spoelstra at Kings assistant coach Jimmy Alapag.
Ang dunk ni Keegan Murray ang huling hirit ng Sacramento at nagbanta, 110-114. Mula doon ay ipinako sila ng depensa ng Miami na ipinasok ang huling pitong puntos para umangat sa ika-apat na sunod na panalo at kartadang 32-25.
Naglaro ng kulang ang Heat dahil suspendido sina Jimmy Butler, Thomas Bryant at Nikola Jovic matapos masangkot sa away sa New Orleans Pelicans noong isang araw. Nag-ambag si Bam Adebayo ng 28 puntos at 10 rebound at rookie Jaime Jaquez Jr. na may 26.
Sa ibang laro, kinumpleto ni Josh Hart ang three-point play na may 2.8 segundong nalalabi upang lusutan ng New York Knicks ang kulelat ng buong NBA Detroit Pistons, 113-111. Nanguna sa Knicks si Jalen Brunson na may 35 puntos at 12 assist at sumunod si bayani Hart na may 23.
Nagpamalas ng matinding opensa ang Toronto Raptors upang masugpo ang numero unong opensa ng liga Indiana Pacers, 130-122. Triple double si Scottie Barnes na 21 puntos, 12 rebound at 12 assist habang nanguna si RJ Barrett na may 24.
Nagtala ng 10 o higit ang buong first five at dalawang reserba ng Brooklyn Nets para tambakan ang Memphis Grizzlies, 111-86. Nangibabaw si Dennis Schroder sa kanyang 18 puntos at pinutol ng Nets ang kanilang apat na sunod na talo para umangat sa 22-35.
Samantala, nagkasundo si Coach Steve Kerr at Golden State Warriors na pahabain ang kanyang kasalukuyang kontrata hanggang 2026. Tinatayang babayaran siya ng $35 milyon o $17.5 bawat taon.
Comentaris