top of page
Search
BULGAR

Speed limiter sa PUV, para sa ligtas na pagbiyahe

by Info @Editorial | Sep. 23, 2024



Editorial

Sa kabila ng paulit-ulit na paalala na huwag magmamadali sa pagmamaneho, meron pa ring mga pasaway at walang pakialam kung madisgrasya o may mapahamak na iba.


Hindi lang mga drayber ng pribadong sasakyan ang matitigas ang ulo kundi maging ang mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan. Ito ‘yung tipong biyaheng pauwi lang sana pero parang biyaheng langit na sa bilis ng patakbo.


Kaugnay nito, kinumpirma ng Land Transportation Office (LTO) na naghahanda na ang kanilang ahensya sa pagpapatupad ng speed limiter para sa lahat ng mga public utility vehicle (PUV).


Pangungunahan ito ng Department of Transportation (DOTr) katuwang ang LTO at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).


Alinsunod ito sa Republic Act 10916 o ang Road Speed Limiter Act. Hindi pa umano ito naipatutupad na dapat sana ay noong taong 2016 pa.


Layon ng batas na gawing mas ligtas ang biyahe ng mga pasahero at upang gawing mataas ang pamantayan ng safety sa mga PUV sa bansa.


Ito ay bahagi ng hakbang ng gobyerno na pababain ang bilang ng mga aksidente sa kalsada.


Napag-alaman na sa kasalukuyang datos ng World Health Organization (WHO), aabot sa 1.3 milyon katao ang nasasawi dahil sa mga nagaganap na aksidente sa mga kalsadahan sa buong mundo.


Humigit-kumulang 20 milyon katao naman ang naitatalang nasusugatan dahil sa aksidente.


Sana nga ay maipatupad na ang batas na tila mapapanis na sa tagal. 

Sa mga drayber, sumunod naman tayo sa batas. Isipin lagi na tulad natin, ang bawat pasahero na ating sakay ay may pamilyang naghihintay.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page