South African variant ng COVID-19 nasa ‘Pinas na, disiplina pa more!
@Editorial | March 03, 2021
Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na mayroon na ring kaso ng sinasabing mas nakahahawa na B.1.351 o South African variant ng SARS-CoV-2 virus sa Pilipinas.
Ito ay matapos lumabas ang resulta ng ikawalong batch ng samples na sumailalim sa whole genome sequencing kung saan, anim ang naitalang kaso ng South African variant.
Mula sa anim na unang kaso, tatlo ang local cases na pawang mga residente ng Pasay City, habang ang dalawa ay kapwa returning overseas Filipinos (ROF), na mula sa United Arab Emirates at Qatar. Patuloy pang inaalam kung local case o ROF ang natitira na isa pang na-detect na may bagong variant.
Kaugnay nito, umapela ang gobyerno sa publiko na panatilihin ang minimum public health standards. Masasabing ito pa rin ang isa sa pinakamabisang panlaban sa anumang uri ng virus — magsuot ng face mask, face shield at huwag makalimot sa physical distancing.
Samantala, kasunod ng balitang nagpositibo na ang bansa sa South African variant, samu’t sari naman ang reaksiyon ng publiko. May mga nagalit dahil tila napabayaang makapasok ang bago at mas nakahahawang variant. Meron ding mga wala nang pakialam at ang iniisip ay parang negosyo na raw ang nangyayari na kailangang gumastos para sa sangkatutak na bakuna.
Habang ang tanong naman ng mga nag-aalala sa sitwasyon, tama lang ba na pinaluwag ang ilang protocols sa bansa tulad ng kamakailang inaprubahan na hindi na mandatory ang swab test at quarantine sa mga bakasyunista o silang mga pumapasok sa iba’t ibang lugar sa bansa?
Hindi kaya ito magresulta ng mas malalang pagkalat ng COVID-19?



Comments